MAY sukat na 90,000 ektarya ang Laguna de Bay. Ang pinakamalaking lawa sa buong Timog Silangang Asya. At sa nakalipas na tatlong dekada, ang Laguna de Bay ay itinuring na isang paraiso at santuwaryo ng mga mangingisda, lalo na sa lalawigan ng Rizal at Laguna. Sagana ang lawa sa mga isda na umaabot sa mahigit na 120 species o uri na malayang nabubuhay sa lawa. Tulad din ng mahigit na 70,000 mangingisda upang mabuhay ang mahigit na 30,000 pamilya na umaasa sa hanapbuhay ng mga mangingisda sa Rizal at Laguna.
Kung tag-araw, ang baybayin ng Laguna de Bay na kumati o inurungan ng tubig ay ginagawang tumana at bukid na sakahan ng mga magsasaka. Panag-arawan ang tawag sa lupang sinasaka ng mga magsasaka. Kapag sinuwerte ang mga magsasaka, ang baybayin ng Laguna de Bay ay tila umaalong ginto dahil sa hitik na mga uhay ng palaydahil sa hihip o simoy ng hanging Amihan. Nagkakaroon ng masaganang ani ang mga magsasaka.
Malinaw noon ang tubig sa Laguna de Bay. Sinlinaw ng buhay na pag-asa ng mga mangingisda. Patuloy na nabubuhay at dumarami ang mga isdang tulad ng dalag, kanduli, biya, ayungin, tilapia, tagan, karpa, hito, gurami,bangus, bidbid, talilong, dulong, buwan-buwan, kambungayngay, hipon, tulya, kuhol at mga suso na pangunahing pagkain ng mga itik na inaalagaan at ikinabubuhay ng maraming taga-Rizal at Laguna.
Dahil sa patuloy na pagdami noon ng nasabing mga isda sa Laguna de Bay, masigla ang paghahanap-buhay ng mga taga-Rizal at Laguna. Lalong ipinagpatuloy na maipundar at magamit sa lawa ang pukot, sakag, baklad, pukot-barimbaw, suklob, takilis, kulong, bumbong, bingwit o biwas, palaway at iba pang panghuli ng isda sa Laguna de Bay.
Sa biyayang dulot ng Laguna de Bay, maraming may-ari ng pukot (trawl fishing) sa Rizal at Laguna ang gumanda ang buhay o yumaman. Nakapagpaaral ng mga anak sa kolehiyo at pamantasan at nakapagbigay pa ng hanapbuhay sa kanilang mga tauhan sa pukot at iba pang uri ng pamalakaya.
Maging ang mga anak ng mahirap na mangingisda na hindi makayang pag-aralin sa kolehiyo, ay sa dibdib na rin ng Laguna de Bay umikot ang buhay hanggang sa magkaroon ng pamilya.
Natatandaan pa ng nabubuhay pang mangingisda sa Laguna de Bay na nakausap ng inyong lingkod ang nagsabing saan panig man ng Laguna de Bay, kapag naghulog ka ng pamalakaya ay maraming nahuhuling mga isda. May pagkakataon pa na nababad ang pukot dahil sa napakaraming huling mga isda, umaabot ng isang araw bago matapos salukin ang mga nahuling isda. Nagdadalawang-balik sa laot ang mga RIGATON at SAKADORA (mga mamimili ng mga isda) upang iahon ang nahuling kalang-kalang (tawag sa sukatan ng nahuling mga isda) na mga kanduli.
Ayon pa sa dating mangingisda sa Laguna de Bay, may lalim na siyam na talampakan ang Laguna de Bay. Malinaw ang tubig sa lawa noon sapagkat mlayang labas-pasok ang tubig-alat mula sa ilog Pasig. Pumapasok o umaagos ang tubig-alat sa Laguna de Bay sa dakong hapon hanggang gabi, at pagsapit ng umaga hanggang tanghali, ay umaagos naman pabalik sa ilog-Pasig. Dahil sa tubig-alat, lumilinaw ang tubig sa lawa.Dumarami ang mga liya na nagsisilbing pagkain ng mga isda. Tumutubo at nabubuhay rin ang iba pang halamang dagat tulad ng mga digman at sintas na pinamumugaran at tinitigilan ng mga isda at hipon. Nagsisilbing pagkain din ng mga isda ang mga digman at sintas sa Laguna de Bay.
-Clemen Bautista