Sobrang saya umano ni Direk Giselle Andres dahil nagtiwala si Kris Aquino na idirek niya ito.
“Basically ‘yong kaba ko is coming from who she is, the name she established. I’m just wondering how she’ll do a newbie like me,” pahayag ni Direk Giselle nang hingan siya ng komento tungkol kay Kris habang isinu-shoot nila ang I Love You, Hater.
Bago rin naman nagsimula ang shooting ay nagtanung-tanong na ang direktor tungkol sa Queen of Social Media at iisa ang sinabi sa kanya na, “she’s not difficult to work with and fun siyang kasama” at totoo naman daw.
“I was very happy to do a lot of scenes with her (Kris) and because she trusted me, so I’m very happy. Parang ang impression ko was, she’s really fun to work with and very professional,” paglalarawan pa ni direk Giselle kay Kris.
Nabanggit din ni Shasha Imperial (karakter ni Kris) sa nakaraang presscon ng I Love You, Hater na perfectionist si direk Giselle kaya matagal ang shooting nila at gusto niya iyon dahil sure na maganda ang kalalabasan.
Napuri rin ni Direk Giselle sina Joshua Garcia at Julia Barretto dahil mahusay sila at nakikipag-collaborate, hindi ‘yong bawat paghinga ay ididirek pa, kaya nag-enjoy din siyang ka-trabaho ang magka-loveteam.
Nagpasalamat din ang direktor sa managers ng tatlong bida sa pelikula dahil ginawan nila ng paraan para mapagtagpo-tagpo ang schedule nila dahil halos lahat ng eksena ay magkakasama sina Kris, Julia at Joshua.
Samantala, may pa-block screening ang Kris Aquino Global base sa post nilang, “I Love You, Hater BLOCK SCREENING. Message me for inquiries and reservations. July 12, 2018 (Thursday). Ms. Kris will be attending.” Hindi palang binanggit kung saang sinehan ito gaganapin.
Ilang tulog na lang at I Love You, Hater day na! Mapapanood ito nationwide sa Hulyo 11, mula sa Star Cinema.
-Reggee Bonoan