WINALIS ng reigning UAAP titlist Ateneo de Manila University ang kabuuang 12 laro sa ika-12 edisyon ng Filoil Flying V Pre Season Cup matapos ang 76-62 paggapi sa reigning NCAA champion San Beda College sa finals, noong Sabado ng gabi sa San Juan City.

Ito ang ikatlong sunod na taon na nawalis ng mga nagkampeong koponan ang kabuuan ng torneo kasunod ng naitalang tig-11 game sweep ng National University noong 2016 at ng napatalsik na kampeong Red Lions noong isang taon.

“We had to take something and learn from the past games. The players responded. They followed instructions,” pahayag ni Ateneo assistant coach Sandy Arespacochaga . “You got to give credits to the players.”

Maituturing na dominado ng Blue Eagles mula simula ang laban.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Ngunit, hindi naman basta sumuko ang Red Lions pagdating ng second half matapos maiwan ng 19-puntos nung halftime, 45-26 sa kabila ng dalawang minuto lamang ginamit ang tinaguriang King Lion na si Robert Bolick sa huling dalawang quarters.

Nanguna ang Ivorian reinforcement ng Blue Eagles na si Angelo Kouame, ang tinanghal na tournament MVP sa ipinoste nitong double-double performance na 15 puntos at 16 rebounds.

“Very happy for him individually,” ani Arespacochaga patungkol kay Kouame. “We would like to see him to continue to improve.”

“He’s a very good learner, he’s skilled. He’s a sponge,” aniya.

Pinangunahan naman ni Gilas cadet , Javee Mocon ang San Beda sa itinala nyang double-double na 14 puntos at 12 rebounds.

Marami naman ang nagtaka kung bakit hindi na ipinasok ni coach Boyet Fernandez ang Gilas Cadet at 2017 Collegiate Player of the Year na si Bolick sa second half matapos ang sampung minutong exposure kung saan wala itong naiambag na anuman para sa Red Lions.

-Marivic Awitan