Pinalagan ng provincial chief ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang akusasyong isa siya sa mga may pananagutan sa kinahinatnan ng Boracay.
“I was shocked my name is included in the list when I was asked to help in Boracay,” pahayag ni DENR-Aklan chief Valentin Talabero.
Binatikos ni Talabero ang Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa maling pag-akusa sa kanya at pagsama sa kanya sa listahan ng 17 opisyal na sinampahan ng kasong administratibo at kriminal dahil sa pagpapabaya sa isla.
Partikular na kinondena ni Talabero si DILG Undersecretary (Usec.) Epimaco Densing III, dahil sa mali umano nitong akusasyon at pagsasampa ng kasong paglabag Republic Act 7160 o ang Local Government Code sa Office of the Ombudsman, nitong nakaraang linggo.
“No one wanted to be assigned in Aklan, but they convinced me to help with Boracay’s problems. Now, Usec. Densing ruined my name and reputation,” diin ni Talabero.
Matatandaang itinalaga si Talabero ni DENR-6 Regional Director Jim Sampulna noong Pebrero 14, ilang araw matapos tawaging “cesspool” ni Pangulong Duterte ang Boracay.
-Tara Yap