Ni REGGEE BONOAN
NAKATSIKAHAN namin si Ms Rina Navarro, ang babaeng umatras sa kasal kay Trade and Industry Undersecretary Dave Almarinez, sa announcement ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2018 entries nitong Biyernes.
In fairness, panay ang iwas ni Ms Rina, at ikinatwiran pang dumating na ang sundo niya. Pero hindi niya nagawang makaalis kaagad dahil sa kakukulit namin, kasama ang ilang entertainment press at online writers.
Kaya naman ang nakangiting bungad niya sa amin, “For the record, this is an ambush interview!” na sinang-ayunan naman namin.
“I will only answers questions that I feel that I can reveal.”
Hindi na ba talaga tuloy ang kasal? “Yes, of course!” mabilis na sagot niya.
Sinabi niyang kahit pa galing sa break up ay “sobra” ang saya niya ngayon, na kita nama sa magandang aura niya, at wala kaming nakitang bahid ng pagsisisi sa pag-atras niya sa kasal.
“The first month was para akong namamatay every day. Siyempre, masakit ‘yun. You know, when you wake up na magising ka sa katotohanan at malaman mo ‘yung mga ganung bagay. Magpapasalamat ka sa Diyos kasi it’s more on ‘Thank you God that you saved me from something that is’. Kumbaga mas mahirap pa dapat ‘yung pagdadaanan ko, eh, kasi kung hindi ko siya nalaman, tuluy-tuloy sila, ‘di ba?” nakangiting kuwento ni Ms Rina.
Tinanong din siya kung may humingi na ba ng tawad sa kanya sa nangyari.
“’Yung lalaki (Usec Almarinez), yes. I believe that his apology was sincere,” aniya, at nilinaw na “we are not friends!”.
Bakit naging mas madaling desisyunan na hindi ituloy ang kasal kaysa patawarin ang ama ng kanyang anak na lalaki.
“Parehong hindi madali ‘yun, ha. Because, well hindi ko alam kung ano ang sinasabi nu’ng iba but I believe that this happened at a time when we’re so happy. So, I don’t want to be with somebody who can cheat on me while we are happy,” magandang paliwanag niya.
Hindi na ba talaga niya bibigyan ng second chance ang ama ng kanyang anak?
“He will always be the father of my son!” diretsong sagot ni Ms Rina, na inulit pa niya.
Inusisa rin siya kung humingi na ng tawad sa kanya ang babaeng naging dahilan ng hiwalayan nila ng kanyang fiancé, o kung inamin na ba nito ang pagkakasala dahil sa lahat ng panayam ay patuloy itong tumatanggi.
“Well, closed-door (personal nag-usap) yes, she (Ara Mina) admitted! She said ‘sorry na nalaman mo, I was gonna reveal’,” pagtatapat ni Ms Rina.
Naloka ang lahat ng nakarinig sa sinasabing katwirang ito ni Ara.
Ano naman ang isinagot niya sa paghingi ni Ara ng tawad nang malaman niya ang totoo?
“I treated you as my friend, sister to me, you knew that I have family and mali ‘yung ginawa mo sa akin! How could you do that to me?”sagot ni Ms Rina, at sinabing walang sakitang nangyari.
“Ayokong lumabas na ganu’n. May pinag-aralan akong tao, in fact ‘pag nadidikit ‘yung pangalan ko sa pangalan niya, I’m not comfortable with that because I’m nothing like her.”
Kuwento ni Ms Rina, naging magkaibigan sila nang ni-recruit niya ang aktres sa itinayo niyang women’s organization.
“It’s an organization that helps women, but the thing is, I’m the first victim,” diretsong sabi niya.
Tinanong din namin si Ms Rina kung magkarelasyon na ngayon si Ara at ang ex-fiancé niya.
“Of course they’re not together (na). I don’t think pipiliin niya ‘yun over me, somebody else na lang,” pahayag ng miyembro ng Cinema Evaluation Board (CEB) at Film Development Council of the Philippines (FDCP).
“I don’t think my ex-fiancé would really take her seriously,” diretsahan pang sabi ni Ms Rina.
Kung sakaling kaharap ni Ms Rina si Ara ngayon, ano ang mensahe niya sa aktres?
“Message ko sa kanya… I hope masaya ka sa nagawa mo. I’m sorry that this is coming out, the truth you know is out there. If you’re denying it, so be it. I don’t want to judge you but you know the truth,” seryosong pahayag ni Ms Rina.
“Kawawa ka naman dahil may six-month old baby kayo, sabi ni Ara,” kuwento pa niya. “Yes, sinabi niya ‘yun! I was gonna invite her to the baptism of my son until it happened of course. Pero hindi naman siya ninang.”
Naramdaman nga ba ni Ms Rina na kawawa siya, gaya ng sinabi umano ni Ara sa kanya?
“Me? Actually, I’m not kawawa. I don’t want people to see me as kawawa. I want women to see me as someone who is strong. I’m only human, siyempre lalaban ka rin and I think laban is, you know, hindi mo naman kailangang sirain ang kalaban mo, you just have to know when to lead. So I gathered that strong to lead. Hindi siya nag-sorry sa akin kundi nag-sorry siya dahil nalaman ko,” aniya pa.
Tinanong na rin tuloy si Ms Rina na kung sakaling gagawa ng pelikulang pang-MMFF si Ara, ano ang magandang titulo na maisa-suggest niya?
“Family film ‘yun! (Ang title) ‘Sorry na nalaman ko’,” natawang sagot ni Ms Rina.
Klinaro rin niya na wala siyang isinampang kaso laban kay Ara. “Walang demanda at wala naman akong alam na puwede siyang idemanda. Siguro kausapin ko si President (Rodrigo) Duterte na gumawa ng batas para sa mga nilolokong babae kahit hindi pa kasal.”
Kaya ba niyang maging kaibigan uli si Ara sakaling mag-sorry na ito sa nagawa?
“Ang Diyos nga nagpapatawad, pero maraming populasyon sa Pilipinas. Ang dami ko ring kaibigan na totoo, I don’t have to be friends with her. That’s one thing for sure. Hindi ako mapapatawad ng anak ko ‘pag nalaman niyang naging kaibigan ko siya (Ara),” maayos na paliwanag ni Ms Rina.
Tinanong din namin kung may komunikasyon sila ng ama ng kanyang anak.
“We don’t communicate but I’m sure someday we will dahil tatay ‘yun ng anak ko. He has done good things also to me, hindi naman siya masama talaga, pero dinurog niya ako, ha, ha, ha,” natawang sabi sa amin.
Handa na ba uling magmahal ngayon si Ms Rina? “Magmahal ng iba, of course!”
Hiningan din ng komento si Ms Rina sa balitang kakandidato si Ara sa eleksiyon next year.
“If you’re running for public office, good luck! I hope manalo ka and sana magbago ka na,” sabi niya kay Ara.
May plano bang kumandidato si Ms Rina, na political strategist ni ex-Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino.
“I’m running away from people like that,” napangiting sabi niya.
Bukas ang pahinang ito para kina Ara at Usec Almarinez.