Ni JINKY LOU A. TABOR
LAMITAN CITY, BASILAN – Tuluyan nang naaresto ang umano’y numero unong narco politician dito, sa buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) -Basilan, Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, dakong 5:30 ng madaling araw kahapon.
Kinilala ang suspek na si Adzhar “Ombok” Macrohon, chairman ng Barangay Bato, minsan nang sumuko sa droga at nanalo sa katatapos na eleksiyon at ikatlong termino n asana ngayong araw.
Nakumpiska ng awtoridad ang anim na pakete at isang sachet ng umano’y shabu, na nagkakahalaga ng P100,000; isang .45 caliber pistol; mga patalim, at ilang M16 magazines at bala. Nasamsam din ang isang granada sa kanyang backpack.
Hindi nagbigay ng pahayag si Macrohon, ngunit inaming sa kanya ang mga bala at granada na binili umano niya sa pinsan niyang sundalo sa halagang P3,500.
Gayunman, pinabulaanan niya ang alegasyong supplier siya ng ilegal na droga. Ayon sa kanyang misis, si Nuraida Sansawi, isinangla ang M16 rifle bilang suporta sa mga pangangailangan ng pamilya.
Base sa ulat, sa kabila ng maigting na kampanya ng PDEA at ng PNP laban sa ilegal na droga, hindi nakikipagtulungan ang opisyal ng barangay sa kanila.