BUMUO si Pangulong Duterte ng isang komite upang magsagawa ng isang dayalogo kasama ang Katoliko at iba pang pinuno ng mga relihiyon sa bansa, ito’y sa gitna ng naging pahayag niya sa ginanap na panunumpa ng mga bagong luklok na kapitan ng mga barangay sa Mindanao kamakailan. Sa isang bahagi ng kanyang talumpati, inihayag ng Pangulo ang kanyang sariling paniniwala na kaiba sa itinuturo ng mga itinatag na relihiyon.
Partikular niyang nabanggit ang kuwento sa Bibliya nina Adan at Eba sa Hardin ng Eden, na nakasaad sa Aklat ng Genesis sa Lumang Tipan. Sinabi niyang hindi niya maunawaan kung bakit, matapos likhain ang isang perpektong Eden, sinira ito ng Diyos sa pagpapakilala ng tukso sa pamamagitan ng isang ahas na nag-alok ng ipinagbabawal na mansanas na sisira sa kanilang kawalang-malay kaya ngayo’y alam nila ang pagkakaiba ng masama at mabuti.
Umani ng batikos ang pahayag na ito ng Pangulo mula sa Simbahan at iba pang pinuno na hindi sanay makarinig na tawaging “stupid” ang Diyos mula sa isang presidente. Nanawagan si Lingayen Archbishop Socrates Villegas, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa mga mamamayan ng kanyang diyosesis na ipanalangin ang Pangulo at hilingin sa Diyos na patawarin ito. Kinondena rin ni Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC) National Director Noel Pantoja ang pahayag ng Pangulo at nanawagan sa bawat Pilipino na irespeto ang pananampalataya at pananalig ng ibang tao.
Tinanggap naman ni CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles ang nakatakdang pagpupulong. “This is a most welcome development. To dialogue, to listen to one another is always good,” aniya.
Tunay na isang magandang hakbang ang ginawa ng Pangulo na manawagan para sa isang dayalogo kasama ang iba pang pinuno ng mga relihiyon sa bansa at bumuo ng komite, na pinangungunahan nina presidential spokesman Harry Roque, Cabinet Secretary Leoncio Evasco, Jr., Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella, at EDSA People Power Commission member Pastor Saycon, para sa nasabing layunin.
Maaaring lumabas sa kanilang diskusyon ang Kasaysayan ng Paglikha sa Bibliya, kung paano nawala ang kainosentihan nina Adan at Eba dahil sa tukso ng demonyo mula sa anyo ng ahas. Maaaring pangahasan na talakayin ng komite at ng mga pinuno ng relihiyon ang espekulasyon kung anong uri sana ng mundo ang meron tayo sa kasalukuyan kung nanatiling inosente sina Adan at Eba sa kanilang kahubdan, tulad ng iba pang mga nilalang sa gubat, kung hindi sila pinagkalooban, sa pamamagitan ng mansanas, ng pagpapasya at pagpili sa pagitan ng masama at mabuti.
Subalit mas magiging makabuluhan ang pagpupulong kung mapag-uusapan ang paraan kung paano mababawasan ang hidwaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Simbahan. Pinakabago rito ang hakbang na ipa-deport ang Australian missionary na si Sister Patricia Fox, na 27 taon nang nagsisilbi sa Pilipinas. Mayroon kayang proyekto at programa kung saan maaaring magtulungan ang gobyerno at Simbahan—marahil sa malaking gawain ng rehabilitasyon ng libu-libong Pilipino na biktima ng ilegal na droga? O ang lumang problema ng kahirapan para sa maraming mamamayan ng bansa?
“I am doing it deliberately,” sabi ng Pangulo nang magtalumpati para sa mga bagong halal na opisyal ng barangay. “You know why? Because this country is in the doldrums. I am shaking the tree to see that they are alive!”
Ang malawakang reaksiyon sa salita ng Pangulo tungkol sa Kasaysayan ng Paglikha sa Bibliya ay tiyak na nagpakita na nananatiling buhay ang mga tao. Ang nakatakdang dayalogo ay dapat na magbigay ng mas malawak na pag-unawa at higit—ang kooperasyon na makatutulong sa mga tao kasama ng tiyak na tulong at serbisyong programa.