Ni Bert de Guzman
BULALAS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) noong Biyernes: “Your God is not my God” (Ang Diyos mo ay hindi ang Diyos ko). Tinanong ko ang sina kaibigang Ricardo De Leon Dalisay at Melo Acuna, kung sino ang Diyos ng Pangulo, ang tugon nila ay hindi rin nila alam kung sino.
Kayrami raw dapat awayin, murahin, hiyain at kagalitan ni Mano Digong. Bakit ang napagdiskitahan niya sa pagsasalita sa pagbubukas ng 2018 National ICT Summit sa Davao City ay ang Diyos na hindi naman kumikibo at hindi naman siya pinakikialaman?
Sabi nga nila kung may masama at mapait na karanasan ang mahal na Pangulo noong siya’y nag-aaral pa sa kamay ng isang American priest, ang dapat niyang tirahin at birahin ay una, ang pari na lumapastangan sa kanya noon, at pangalawa, ang kaparian at Simbahang Katoliko na hindi niya pinaniniwalaan ang mga aral at doktrina. Ito kaya ang dahilan kung bakit galit siya sa mga Amerikano at sa Catholic Church?
Nagbibiro ba o seryoso ang ilang obispo nang sabihing maaaring “absent” sa klase si PRRD nang talakayin ng kanyang religion teachers sa Ateneo de Davao University ang biblical interpretation ng paglikha sa mundo.
Isa mga obispo, si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, vice president ng CBCP, ang nagpahayag na ang kritisismo ni Pres. Rody sa Diyos ay sarili niyang interpretasyon sa Bibliya. “Hindi ganyan ang turo ng Simbahang Katoliko sa mga katoliko.” Ayon kay David, hindi rin sinabi ng Diyos na isang perfect world ang kanyang nilikha. Ang bawal na prutas ay hindi rin sinabi sa Bibliya na isang mansanas. At hindi rin daw Diyos ang nag-utos sa ahas na tuksuhin si Eba na kainin ang bawal na prutas.
Noong Biyernes, binira ni PDu30 ang kuwento ng pagkakalikha (creation story) ng mundo sa Bibliya, partikular nang tuksuhin si Eba ng isang ahas para kainin ang ipinagbabawal na prutas. Pagkakain ni Eba, dinala ang prutas kay Adan at sinabihang kainin ito. Doon namulat ang dalawang ninuno sa katotohanan at paglabag sa utos ng Diyos. Doon nagsimula ang original sin.
Tinawag ni PDu30 ang Diyos na “stupid” sa pagpapahintulot sa tukso na sirain ang kanyang perfect world. Badya ni PRRD: Who is this stupid God? You created something perfect and then you think of an event that would tempt and destroy the quality of your work.” Tulad ng sabi ni Bishop David, hindi sinabi ng Diyos na isang “perfect world” ang kanyang nilikha at hindi rin niya inatasan ang serpent na tuksuhin si Eva.
Nagulat ang taumbayan sa paglapastangan ng Pangulo sa Diyos. Kung sanay na sila sa pagmumura, panghihiya, pagpatay na umiiral ngayon, hindi nila akalain na pati Diyos ay aawayin niya. Anyway, ang mabuti ay ipagdasal na lang natin ang Pangulo at baka sakaling maliwanagan, magbago at magsisi.