Nina VANNE ELAINE P. TERRAZOLA at ELLALYN DE VERA-RUIZ
Naniniwala ang mga senador na magiging pahirapan ang paglusot sa Mataas na Kapulungan ng mga panukala para maging legal ang kasal ng may parehong kasarian sa bansa, partikular matapos na matuklasan sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS) na tutol dito ang karamihan ng mga Pinoy.
Inamin kahapon ni Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri na magiging pahirapan ang pag-aprubad sa anumang panukala tungkol sa legalisasyon ng same-sex marriage dahil “almost all” ng mga senador ay kontra rin dito.
Siya mismo ay umaming hindi niya aaprubahan ang panukala.
“I believe the same-sex marriage will have a very difficult time in the Senate as I personally asked several of my colleagues about it in the past and almost all of them have signified their opposition to it,” saad sa text message ni Zubiri sa mga mamamahayag, nang hingan ng komento tungkol sa resulta ng survey.
“I personally have serious reservations on it and I’m inclined not to vote for it for personal and religious beliefs.
In other words, dadaan pa siya sa butas ng karayom sa Senado,” dagdag niya.
Sinabi naman ni Sen. Sonny Angara na partikular na ikinokonsidera ng mga senador ang opinyon ng pulitiko sa kanilang pagdedesisyon.
“Senators are quite sensitive to public opinion so it may play a role. I also expect some senators who are members or close to some religious groups to not be in favour of this. Thus I foresee a lot of vigorous debates on the bill going forward,” saad sa mensahe ni Angara.
Sinabi naman ni Sen. Aquilino Pimentel III na mahalagang malinawan muna ang mga apela para sa legalisasyon ng same-sex marriage.
“Dapat ipaliwanag muna nang mabuti. Ano ba ang layunin at laman ng panukala na ‘yan?” ani Pimentel.
Para naman kay Sen. Francis Pangilinan, mas mainam na pagtuunan na lang ang civil union ng mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender, and queer (LGBT) community kaysa “marriage”.
Una nang inihayag kahapon ng SWS na anim sa 10 Pilipino o 61 porsiyento ang tutol sa same-sex marriage sa bansa.
Batay sa survey noong Marso 23-27 sa 1,200 respondents, 61% ng mga Pinoy adult (44% ang strongly disagree, 17% ang omewhat disagree) ang tutol at 22% ang sang-ayon (8% strongly agree,14% somewhat agree) sa pagpapatibay ng batas na magpapahintulot na maikasal nang legal ang dalawang babae o dalawang lalaki.
Nasa 16% naman ang hindi makapagpasya sa usapin.