NOONG 2002, isinabatas ng Kongreso ang Comprehensive Dangerous Drugs Act, Republic Act 9165, na nag-uutos ng random drug testing sa mga mag-aaral na nasa high school at kolehiyo. Nakikita na ng bansa ang tumataas na panganib sa pagkalulong sa droga ng mga kabataan, at ang random drug testing ang isa sa mga unang hakbang upang labanan ito.
Labing-anim na taon na ang nakalilipas, at malinaw na dumoble ang problema sa droga sa kasalukuyan, isang katakut-takot na problema na lumantad sa Pilipinas nang maupo si Pangulong Duterte noong 2016. Sa nakalipas na dalawang taon, umabot sa 4,279 na suspek sa droga ang kumpirmadong namatay sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, ngunit nasa 22,983 kaso ng “Death under Inquiry” ang naitala sa panahon ding ito.
Bilang bahagi ng kampanya laban sa droga, inihain kamakailan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sapilitang drug testing para sa lahat ng mga guro at mag-aaral simula sa ikaapat na baitang pataas. Tinutulan ito ng marami na ipinunto ang nakasaad sa RA 9165, na ang drug testing ay para lamang sa mga mag-aaral na nasa high school at kolehiyo at ito ay random testing lamang.
Nanindigan sa pagtutol ang Department of Education (DepEd) para sa plano ng PDEA, at inihayag ang maaaring epekto nito sa murang isipan ng mga mag-aaral na sa ikaapat na baitang. Nariyan din ang halagang gugugulin para sa inihaing programa—P2.8 bilyon na para sa DepEd at mga tutol na senador ay maaaring magamit para sa mga kailangang libro at gamit sa pag-aaral, pagpapatayo ng dagdag na silid-aralan, at pagpapalawak ng school feeding program.
Pinupuri natin ang lahat ng mga opisyal na nagsusulong ng kampanya laban sa ilegal na droga, ngunit kasama ng pagsisikap na wakasan ang supply ng droga sa bansa, kailangan natin makita ang mas malaking pagsisikap upang mapigilan ang pagdating ng mga kargamento ng shabu (methampethamine hydrochloride) mula sa ibang bansa.
May panahon na ditto mismo sa ating bansa ginagawa ang shabu sa mga laboratoryo sa ilang probinsiya, subalit naipasara na ito ng awtoridad. Gayunman, nagpapatuloy ang supply nito, na malinaw na ipinupuslit sa maliliit na hangganan ng bansa o maging sa ating mga pantalan, katulad ng P6.4 bilyong kargamento na kataka-takang nakalusot sa Bureau of Customs (BoC) sa Maynila at nasamsam lamang nang salakayin ng awtoridad ang dalawang warehouse sa Valenzuela City noong nakaraang taon.
Tinutulungan ng China ang kampanya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon tungkol sa operasyon ng mga smuggler ng droga. Ang ibang posibleng pinagkukunan ng shabu ay maaaring nagpapatuloy pa rin sa operasyon. Paano natin maipapaliwanag ang nagpapatuloy na supply ng droga sa buong bansa?
Malayo na ang ating narating sa paglaban sa panganib ng ilegal na droga sa bansa at iminungkahi ng PDEA na mapigilan ang patuloy na paggamit nito sa pamamagitan ng sapilitang drug testing sa mga estudyante sa bansa. Pag-ibayuhin natin ang pagsisikap na mapigilan ang supply ng karumal-dumal na prosesong ito.