Tuluyan nang lumakas at nabuo bilang bagyo ang tropical depression ‘Florita’ na patuloy na kumikilos pahilagang-kanluran ng bansa.

Ito ang inihayag kahapon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), batay na rin sa huling weather bulletin nito.

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 860 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at bugsong aabot sa 65 kph habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 11 kph.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Babala ng PAGASA, makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ang mga lugar na nasasaklawan ng 300 kilometers diameter ng bagyo.

Gayunman, hindi na inaasahang magla-landfall ang Florita sa alinmang bahagi ng bansa ngunit paiigtingin pa rin nito ang habagat, na magdadala ng manaka-nakang pag-ulan sa dulong bahagi ng northern Luzon ngayong weekend.

Sa taya ng PAGASA, ngayong Linggo lalabas sa Philippine area of responsibility ang bagyo.

-Alexandria Dennise San Juan