Kinumpirma ni Senador Antonio Trillanes IV na may usapan na ang oposisyon at si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno upang mapasama sa “Tindig Pilipinas” senatorial line-up ang napatalsik na lider ng Korte Suprema.

Ayon kay Trillanes, personal niyang nakausap si Sereno pero wala pa naman umanong pinal na desisyon ang huli.

Kahapon, inihayag na ni Sereno ang kanyang interes na kumandidato para senador, pero sa ngayon ay tinitimbang pa raw ng dating chief justice ang magiging pasya nito.

“Ako personally ang kumausap, pero kakausapin pa rin siya ni Senator (Francis) Pangilinan, who would eventually become the campaign manager,” ani Trillanes.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Aniya, hanggang sa Agosto marahil ay makapagpapasya na si Sereno kung kakandidato ito sa mid-term elections sa Mayo 2019.

Sa ngayon ay ikinokonsidera sa senatorial line-up ng Liberal Party ang re-electionist na si Senator Bam Aquino, dating Quezon Rep. Erin Tañada, ang human rights lawyer na si Chel Diokno, si Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano, at si Barry Gutierrez, ng Akbayan Party-list.

-Leonel M. Abasola