“ANG Diyos ninyo ay stupid. Ang Diyos ko ay perpekto. Naniniwala ako sa Diyos na siyang kinikilalang tumatangan ng mundo at trilyong dami ng mga heavenly bodies na kung wala siya ay baka nagbungguan ang mga ito at nagunaw lahat kasama ang ating mundo,” sabi ni Pangulong Duterte. Iba’t iba ang Diyos na kanyang pinaniniwalaan at ang Diyos na pinaniniwalaan ng mga Katoliko. Kasapi ako ng Knights of Columbus, isa sa mga pang-simbahang samahan ng mga Katoliko, pero iyong Diyos na tinuran ng Pangulo na may tangan ng mundo at heavenly bodies ay parehong Diyos na aming pinaniniwalaan at sinasamba.
Ang pagkakaiba lang namin ng Pangulo ay siya ay Pangulo o kung kahit pa siya Pangulo ay ganito na ang kanyang kaisipan, malakas ang loob niyang sabihin ito. Pero, kung iintindihin ko siya, naging isyu sa kanya ang Diyos at ang kanyang paniniwala sa Diyos, ay dahil galit siya sa mga pari. May mga polisiya kasi siya, o kaya, mayroon siyang nasabi sa pagpapatakbo niya ng gobyerno na sinalungat ng kaparian. Pini-personal niya ito dahil ang kinampihan ng kaparian ay ang isa sa mga nakalaban niya sa panguluhan. Idagdag pa iyong kanyang reklamong minolestiya siya sa paaralan nang siya ay bata pa.
Bakit hindi sa ganitong konteksto ko isasaalang-alang ang pagtawag niyang stupid ang Diyos? Tignan ninyo ang nangyari sa mga tao o opisyal ng gobyerno na sumalungat o lumaban sa kanya? Inuna niya si Sen. Leila De Lima. Dahil nang ito ay Chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee, inimbestigahan niya ang mga extra-judicial killing maging iyong mga nangayari sa panahong ang Pangulo ay mayor pa ng Davao. Pinatalsik si Sen. De Lima bilang chairperson. Inimbestigahan ng House Committee on Justice si De Lima dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa illegal drug trade. Ang ebedensiyang nakalap, na binubuo ng mga testimonya ng mga convicted drug lord, ay ginamit sa mga kasong isinampa ng Department of Justice (DoJ) sa korte. Dahil ang kasong illegal drug trade ay walang piyansa, nakakulong hanggang ngayon si De Lima.
Nitong huli, matagumpay na napatalsik si Maria Lourdes Sereno ng kapwa niya mga mahistrado bilang Chief Justice. Short cut ang ginawang proseso. Habang nangangalap ng mga ebidensiya ang House Committee on Justice na magagamit para i-impeach si Sereno, nagsampa na ng quo warranto petition ang Solicitor General laban sa kanya. Hindi naman quo warranto ang isinasaad ng Saligang Batas para mapatalsik ang mga impeachable officials tulad ni Sereno kundi impeachment.
Nakapangyari ang baluktot na interpretasyon ng Saligang Batas na quo warranto at inalis si Sereno ng CJ. Ang kasalanan ni Sereno ay ang pagsalungat niya sa Pangulo nang inobliga niya ang ilang hukom na nasa narco list na magreport sa Camp Crame para magpaliwanag.
Kaya, sa galit ng Pangulo sa mga pari, pinagbuntunan niya ang Diyos. Pero ang Diyos namin ay ipinakikita ang kanyang kapangyarihan sa mga tulad naming nagkakamali tulad ng ginawa niya kay San Pablo sa Damascus, nang hinahabol niya ang mga mananampalataya. Tinamaan siya ng kidlat.
-Ric Valmonte