HINDI na malabong pangarap para sa maralitang mga kabataan, gaya ng dati, ang makapag-aral sa kolehiyo, makatapos ng kurso at mapaangat ang buhay. Pinasisimulan na ngayong taon ang implementasyon ng Repulic Act 19831 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) of 2018, ang batas kaugnay ng libreng pag-aaral sa kolehiyo.

Nilagdaan kamakailan ng mga pinuno ng 112 state universities and colleges (SUCs) at 78 local universities and colleges (LUCs) at ng Commission on Higher Education (CHED) at Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) ang Memorandum of Agreement (MOA) o kasunduan para sa implementasyon ng UAQTEA. May paunang laang pondong P41 bilyon para dito.

Naniniwala si Albay Rep. Joey Salceda, na pangunahing may-akda ng UAQTEA sa Kongreso na palalawakin ng libreng kolehiyo ang ‘middle class sector’ at lalong patatatagin nito ang lipunang Pilipino.

Hango ang UAQTEA sa programang ‘Universal Access to College Education’ ng Albay na pinasimulan ni Salceda noong siyam na taon siyang gobernador ng lalawigan hanggang 2016. Natulungan nito ang 88,888 estudyanteng makumpleto ang kanilang pag-aaral, at nagsilbing susi para mapababa ang kahirapan sa Albay sa 17.1% noong 2015 mula 41% noong 2007, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa ilalim ng UAQTEA, maaaring pumasok ang maralitang mga kabataan sa pribadong kolehiyo kung walang malapit na SUCs/LUCs sa kinalalagyan nila. May pondong pahiram para rito na pinamamahalaan ng UniFAST na siyang nangangasiwa sa lahat ng pang-kolehiyong Student Financial Assistance Programs.

Mayroong mga mekanismo ang RA 10931 para mapataas ang partisipasyon at magkaroon ng patas na pagkakataon ang lahat sa de-kalidad na edukasyon. Binigyang-diin ni Salceda na ang libreng edukasyon ay “karapatan ng bawat mamamayan at obligasyong moral ng estado.”

Para sa SY 2018-119, mahigit 1.3 milyong estudyante ang inaasahang sasailalim sa UAQTEA. Mga 300,000 nito ay mula sa maralitang pamilyang nasa ilalim ng 4Ps, na tatanggap ng buwanang P3,500 ‘living allowance,’ at minsanang P5,000 bilang book allowance.

Ang malakas na ulan nitong nakaraan ay nagdulot ng bangungot na baha ng napakaruming tubig at banta sa kalusugan sa maraming lugar. Ang baha ay kagagawan ng mga mamamayang sadyang nagtatapon ng basura nila, kasama ang plastic, sa mga kanal.

Ayon sa kaibigan kong taga-Cabanatuan City, ang bahay niya sa Barangay Mabini Extension na hindi karaniwang binabaha, ay lumubog sa maruming tubig bunga ng pag-apaw ng kanal sa kanilang lugar. Dapat harapin at lunasan ng mga lider ng barangay ang suliraning ito.

-Johnny Dayang