NASA Geneva, Switzerland si Pope Francis nitong nakaraang linggo – hindi para dumalo sa kahit anong programa o aktibidad ng Simbahan na kanyang pinamumunuan, kundi para makiisa sa World Council of Churches (WCC) na nagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ngayong taon. Ang WCC ay isang fellowship ng 350 Christian churches sa buong mundo. Hindi miyembro ang Roman Catholic Church, ngunit nagpadala ng mga observers sa mga pagpupulong at nakikipagtulungan sa ilang gawain.
Sa kasaysayan ng Kristiyanismo, maraming labanan ang nangyari sa mga bansa sa pagsunod sa isa at ilan pang paniniwala. Nagsimula ang Thirty Years War of 1618-1648 bilang labanan sa pagitan ng iba’t ibang Protestante at Katoliko sa Europe na nauwi sa pangkalahatang hidwaan na naghati-hati sa Holy Roman Empire. Pagsapit ng 1990s, nakipaglaban ang British unionists, na karamihan ay Protestante, sa Irish nationalists, na karamihan ay Katoliko, sa Northern Ireland.
Itinatag ang World Council of Churches noong 1948 at ang mga miyembro nito ay kasalukuyang binubuo ng 349 na global, regional, national, at local Christian churches, kabilang ang Eastern Orthodox, Old Catholic, Anglican, Lutheran, Mennonite, Methodist, Baptist, Pentecostal, at iba pa. Ang mga miyembro ng mga simbahan at sekta nito ay nasa 590 milyong katao sa tinatayang 150 bansa.
Dumalo si Pope Francis, ang leader ng 1.299 bilyong Katoliko, sa pagdiriwang ng anibersaryo ng WCC sa Geneva nitong nakaraang linggo, na tinawag niyang “ecumenical pilgrimage.” Ang pakikipagkita ni Pope Francis sa WCC leaders, aniya, ay “not mere courtesy.” Sinabi niya na gusto niyang talakayin sa mga ito ang pangangailangan ng “unity for peace” sa mga simbahan, dahil nahaharap ang mundo sa “crisis of hope, a crisis of human rights, a crisis of mediation, a crisis of peace.”
Sa Geneva, nakipagkita siya sa church leaders mula sa North at South Korea na, sa isang ecumenical forum, at umapela “to all countries to refrain from confrontation and militarization in the region.” Sa kanyang talumpati sa non-Catholic Christian hosts, sinabi ni Pope Francis na, “I have desired to come here, a pilgrim in quest of unity and peace. I thank God because here I have found you, brothers and sisters, already making this same journey.”
Nangibabaw ang pagpupulong ng mga leader ng mga Christian churches sa Geneva sa panahon na sobrang daming problema — sa kalakal at aktuwal na labanan, sa refugees na namatay sa lumubog na barko, mga bata na nahiwalay sa kanilang pamilya, at ang nagbabangayang political at church leaders. Sinabi ni Pope Francis na ang pagkakaiba-iba ng mga Kristiyano ay hindi maaaring gawing dahilan upang hindi kumilos. Ito ay isang apela na dapat sundin ng mga pulitiko sa mga bansa, sa iba’t ibang bahagi ng mundo.