Isang aktibong miyembro ng Philippine National Police (PNP), na wanted sa kasong pagpatay, ang inaresto nang ireklamo ng umano’y panunutok ng baril at pananakit sa kapitbahay nito sa Parañaque City, nitong Martes.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director, Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr. ang suspek na si PO2 Gadie Guarino, 40, nakatalaga sa Polic Regional Office- 4A (PRO4A), ng Purok 4, 14 Street, Silverio Compound, Barangay San Isidro, Parañaque City.
Una nang inireklamo ang suspek dahil sa umano’y panunutok ng baril at pananakit kay Alberto Candion, 65, sa Purok 4, Silverio Compound, sa Bgy. San Isidro ng nasabing lungsod, bandang 8:00 ng umaga.
Agad dinakma ang suspek at nasamsam sa kanya ang isang cal. 9mm Jericho (PNP issue), holster, at dalawang magazine na kargado ng 19 na bala.
Nang isailalim sa background check, natuklasan na may nakabimbing warrant of arrest sa kasong murder.
Ayon pa sa awtoridad, posibleng mabulok sa bilangguan si Guarino dahil walang inirekomendang piyansa ang korte.
Bukod dito, nahaharap din ang suspek sa kasong grave threat, illegal possession of firearms and ammunitions, at physical injuries.
-Bella Gamotea