Ipinasa ng Kamara ang House Bill 7749, na nagtatakda sa Agosto 12 ng bawat taon bilang Pambansang Araw ng Kabataan o National Youth Day.
Nakasaad sa panukala, inakda ni Representative Sarah Jane Elago, na tungkulin ng Estado na itatak sa kabataan ang pagiging makabayan at hikayatin sila na lumahok sa mga gawaing pampubliko at sibiko.
Itinatadhana ng Republic Act No. 8044 (“Youth in Nation-Building Act”) na responsibilidad ng Estado na tulungan ang kabataan na magampanan ang kanilang papel sa nation building sa pamamagitan ng pagtatatag ng National Comprehensive and Coordinated Program on Youth Development.
Sa “Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015” o RA 10742, nagtatag ng mekanismo upang matiyak ang partisipasyon ng kabataan sa local governance, lalo na sa pagtatakda sa isang linggo na tumatapat sa Agosto 12 bilang “Linggo ng Kabataan” (Youth Week).
Tuwing Agosto 12 din ipinagdiriwang ang “International Youth Day”.
-Bert de Guzman