SINASABING prangka at may mataas na kumpiyansa sa sarili ang mga Amerikano higit sa ibang lahi, ngunit hindi natin inaasahan na aabot ito sa puntong malaya nilang ipapahayag sa mga pampublikong lugar ang pagkontra sa mga miyembro ng gabinete ng administrasyong Trump.

Kamakailan, pinaalis sa isang restawran si White House Press Secretary Sarah Sanders at ang kanyang partido sa Lexington, Virginia, na tumangging pagsilbihan sila. Matapos nito’y nag-tweet si Sanders na sinabihan siyang umalis ng may-ari ng Red Hen dahil sa paglilingkod niya kay Pangulong Trump at tahimik, aniya, siyang umalis ng kainan. Matapos nito’y binaha na ng maraming komento sa online ang restawran, marami ang pumuri at may ilang nagpahayag ng diskriminasyon.

Una rito, nakaranas ng pangangantiyaw si US Secretary of Homeland Security Kirstjen Nilsen mula sa ilang tao na sumisigaw ng, “Shame! Shame!” nang kumain siya sa isang Mexican restaurant sa Washington, DC. Naiulat na isa si Nilsen sa mga pangunahing tagapagtanggol ng polisiya ni Trump sa naghihiwalay sa mga migranteng bata mula sa kanilang mga magulang upang sikaping mapigilan ang mga ito sa paghingi ng karapatan na manirahan sa Estados Unidos mula sa pagtakas sa diktaturyal na rehimen at karahasan sa Timog at Gitnang Amerika.

Sa migration policy ni Trump, nagkawatak-watak ang bansa sa unang pagkakataon, na humahantong sa lantarang pagbatikos ng ilang nangungunang Republican na opisyal at mga kapartido ni Pangulong Trump. Lumabas ang bagong mga larawan ng mga bata, na nasa edad na dalawa at apat, na halos maglupasay sa kakaiyak habang inihihiwalay sila ng mga Amerikanong opisyal mula sa kani-kanilang ina. Nagbunga ang panggigipit kay Trump nitong nakaraang linggo at winakasan ang polisiya ngunit libu-libong bata ang nananatiling nakahiwalay sa kanilang magulang hanggang ngayon.

Ang insidenteng kinasangkutan ni Press Secretary Sanders at Homeland Security Secretary Nilsen ay marahil direktang resulta mula sa malawakang protesta ng publiko laban sa migration policy ni Trump, subalit maaaring may ibang salik na nakaapekto sa tumataas na bilang ng pagtutol.

Sinimulan ni Trump ang isang “trade war” kontra sa ilang bansa na nagdulot sa US ng hindi balanseng kalakalan, simula sa taripa sa aluminum at angkat na bakal na nakaapekto sa mga bansang nasu-supply nito gaya ng Canada at maraming bansa sa Europa. Makaraan nito’y ibinaling naman niya ang atensiyon sa China at sinampal ng 25 porsiyentong taripa para sa $50 bilyong halaga ng produktong China na dinala sa Amerika. Matapos ay gumanti ang China sa pamamagitan ng pagpapataw ng sariling taripa sa produkto ng US, na ginantihan ni Trump ng panibagong $200 bilyong taripa para sa produkto ng China.

Lahat ng mga bansang sangkot sa nangyayaring “trade war” ay tiyak na magdurusa. Dagdulot na ito ng malaking pinsala para sa Amerika na gumagamit ng bakal, patatas at mga nagtatanim ng soybean, rantsero, gumagawa ng serbetes at may negosyong seafood. Ang epekto nitong ekonomikal sa buhay ng ordinaryong Amerikano ay maaaring nakaragdag sa lamalagong pakiramdam ng protesta sa bansa.

Patuloy na tinututukan ng mundo ang mga pagbabagong nangyayari sa Amerika, kasama ng mga Pilipinong lubos na nag-aalala dahil sa daang taong malapit na ugnayan at ang milyong kababayang kasalukuyang naninirahan sa nasabing bansa, bilang mamamayan o overseas worker. Umaasa tayo na malulutas ang problemang kinahaharap ng Amerika ngayon bago pa ito lumalaha at makaapekto sa ibang parte ng mundo kabilang ang bahagi natin.