NANINIWALA ako na walang dapat sisihin sa naganap na misencounter o paltos na sagupaan ng mga pulis at sundalo sa Sta. Rita, Samar, lalo na kung isasaalang-alang na sila ay laging magkaagapay sa pangangalaga ng katahimikan sa buong kapuluan. Ang malagim na eksena ay ikinamatay ng siyam na pulis at ikinasugat ng siyam na iba pa.

Ang nabanggit na mga alagad ng batas na kapwa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay nagsagawa ng combat operations laban sa mga communist terrorist sa naturang lalawigan. Natitiyak ko na layunin ng magkatuwang na misyon na lipulin ang mga panggugulo ng mga terorista, na kabilang sa New People’s Army (NPA) at sa iba pang grupo ng mga rebelde; marapat na sugpuin ang mga karahasan na nagiging dahilan ng paghihirap ng sambayanan.

Sa kasamaang-palad, ang nasabing combat operation ay humantong sa malagim na misencounter. Bagamat wala ngang dapat sisihin sa pumaltos na engkuwentro, gusto kong maniwala na iyon ay maiiwasan kahit paano kung nagkaroon ng maayos na koordinasyon ang magkabilang panig. Sa pamamagitan ng makabagong communication technology na tulad ng cellphone, two-way radio at iba pa, natitiyak ko na magtutugma-tugma ang kanilang mga estratehiya para sa matagumpay na combat operation.

Dahil sa mga kamalian o kawalan ng maayos na koordinasyon ng ating mga pulis at sundalo, hindi kaya sila ay pinagtawanan lamang ng mga rebeldeng NPA at ng mga terorista? Dahil ang mga alagad ng batas ay mistulang nagpapatayan samantalang ang kanilang mga kaaway ay nakamasid lamang sa palpak na sagupaan?

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Biglang sumagi sa akin ang kahindik-hindik na Mamasapano massacre na ikinamatay ng 44 na sundalo at pulis na pawang mga miyembro ng PNP-SAF (Special Action Force). Ang dahilan ng malagim na masaker ay kawalan o kakulangan ng matinong koordinasyon ng mga ground commanders. Hindi ba ang ilang haligi ng nakaraang administrasyon ay dapat ding sisihin sa malagim na pagpaslang ng tinaguriang SAF 44 heroes?

Hindi na natin bubusisiin ang mga detalye ng nabanggit na masaker; ipaubaya na lamang natin sa mga hukuman ang paglilitis sa naturang pangyayari na maaaring produkto ng naglahong koordinasyon ng kinauukulang mga awtoridad.

-Celo Lagmay