Wag masyadong atat.
Nagbabala kahapon si Surigao del Sur 2nd district Rep. Johnny Pimentel sa Civil Aeronautics Board (CAB) laban sa mabilis na pagbibigay ng paghintulot sa commercial airlines na magpatong ng fuel surcharges sa kanilang mga pasahero.
“The last time the CAB allowed fuel surcharges, airlines were collecting anywhere from P500 per domestic passenger to $400 per international passenger,” paggunita ni Pimentel, miyembro ng House Committee on Transportation.
“The CAB should hold the horses for now. It is a bit premature for the extra charges,” sinabi ng mambabatas ng Mindanao.
Pahihirapan ng karagdang singil ang tinatayang 25 milyong Pilipino na sumasakay sa eroplano bawat taon, banggit ni Pimentel.
Sinabi ng mambabatas, namumuno sa House Committee on Good Government and Public Accountability, na ang bagong singilin ay magiging pabigat din sa 7,000 Pinoy contract workers – new hires at rehires – na umaalis sa bansa bawat araw para magtrabaho sa ibang bansa.
Diringgin ng CAB sa Hulyo 10 ang mga petisyon ng airlines na itaas ang fuel surcharges. Kapag naaprubahan, ang panibagong surcharges ay ipapatong sa presyo ng tiket at babalikatin ng mga pasahero.
Ayon sa airline companies, kailangan nilang magpataw ng add-on charges para makaagapay sa patuloy na pagtaas sa presyo ng gasolina sa eroplano.
Gayunman, iginiit ni Pimentel na kaya pang balikatin ng airlines ang mas mataas na fuel costs.
-Ellson A. Quismorio