MAGTATATLONG taon na sa ere ang seryeng FPJ’s Ang Probinsiyano na pinagbibidahan ng King of Primetime na si Coco Martin. September 28, 2015 pa nang unang napanood sa telebisyon ang nasabing serye at hanggang sa ngayon ay mataas ang rating ng nasabing primetime show ng ABS CBN, huh!
Kaya naman hati ang desisyon ng mga taong namamahala ng FPJAP. May nagsabing dapat na raw tapusin ito habang marami pa rin ang sumusubaybay, dagdag pang nasasagad na raw ang mga staff lalung-lalo na ang mga writers kung paano pa ii-stretch ang istorya.
Pati pa nga raw mismong si Coco ay naniniwala na rin daw na dapat nang palitan ng ibang palabas ang show nila. Naubusan na raw sila ng topic na puwedeng gawin sa serye, huh!
Halos lahat naman daw kasi ng topic na napapanahon ay nagamit na sa serye ni Coco. Ngayon nga, pati ang kuwento sa mga kontrobersiyal na pulitiko, mula sa Presidente , bise presidente, at hanggang sa mga senador ay nagawan na nila ng kuwento.
Ayun pa rin kay Coco mismo, may naiisip na raw siyang ipapalit sa Ang Probinsiyano . Ito ay ang Batang Quiapo, kung saan naging leading lady ni Fernando Poe, Jr. si Maricel Soriano.
Pero ayon naman sa nakausap naming ABS CBN insider, ang teleseryeng kasalukuyang ginagawa ni Judy Ann Santos ang nakatakdang ipalit sa iiwanang timeslot ng serye ni Coco.
But still, may mga executive pa rin naman ng Dos ang pumipigil na tapusin na ito, at mas gusto pa rin na magpatuloy sa ere ang FPJ’s Ang Probinsiyano. Hindi pa raw napapanahon na mawala ang nasabing serye.
Katwiran ng mga ito, ni minsan daw ay hindi pa napataob ng anumang programang itinatapat ang FPJ’s Ang Probinsiyano. Kumbaga, hindi pa raw dapat na tapusin ang serye dahil kahit saang sulok daw ng Pilipinas ay tinutukan pa rin ito.
Banggit pa nila, bukod-tanging si Coco raw ang bumuhay sa aksiyon na medyo unti-unting namamatay daw mula nang mawala ang tinaguriang Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr.
-JIMI C. ESCALA