Limang opisyal ng Sulu State College (SSC) sa Jolo, Sulu, ang pinatatanggal ng Office of the Ombudsman dahil sa pagkakasangkot sa irregular procurement ng laboratory equipment na nagkakahalaga ng P22 milyon.
Ipinadi-dismiss ng Ombudsman sina SSC President Abdurasa Sariol Arasid, Bids and Awards Committee (BAC) Chairperson Hja Ferwina Jikiri Amilhamja, ang BAC members na sina Anang Agang Hawang, Nenita Aguil, at Audie Janea.
Ayon sa Ombudsman, napatunayang nagkasala ang mga opisyal ng grave misconduct.Nahaharap din ang mga ito sa diskuwalipikasyon sa public office at pagkawala ng kanilang retirement benefits.
Sinabi din ng Ombudsman na may sapat na dahilan upang kasuhan ang mga naturang opisyal at si BAC member Joseph Pescadera ng graft.
Sa imbestigasyon ng Ombudsman, Mayo 30, 2011 ay nilagdaan ng SSC ang kontrata upang bumili ng mga gamit para sa physics, computer engineering at agriculture laboratories sa State Alliance Enterprises, Inc.
Ngunit natuklasan ng Commission on Audit (CoA) na may mga iregularidad sa pagbili ng naturang mga laboratory equipment.
Ayon sa CoA, hindi inilathala ang invitation to bid sa isang diyaryong may malawakang sirkulasyon.
Sobra rin umano ang bid ng State Alliance sa naaprubahang budget para sa acquisition.
Bukod diyan, ayon sa CoA, ginawa ang bidding kahit walang certification of availability of funds at wala ring mga importanteng papeles tulad ng bidding documents, bid security at abstract of bids.Dahil dito, naglabas ang CoA ng Notice of Disallowance na nagpapatigil sa pagbili ng mga equipment noong Hunyo 15, 2015.
“The flawed process deprived the SSC of a competitive bidding that would have extended equal opportunity to enable other contracting parties who are eligible and qualified to participate in public bidding,” saad ng Ombdusman.
-Czarina Nicole O. Ong