Sa mas pinaigting na anti-drug operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa iba’t ibang lugar sa Maynila, naaresto ang 10 drug suspect sa loob ng 24 oras.

Ayon kay MPD director, Chief Supt. Rolando Anduyan, sa buy-bust operation ng MPD-Station 1 sa Kagitingan Street, Tondo, naaresto sina Daniel Dionisio, 22; Victor Velario, 41; Elmer Sanorjo, 31; pawang taga-Tondo, at nakumpiskahan ng apat na pakete na may bahid ng umano’y shabu, dakong 12:30 ng madaling araw.

Sa anti-criminality drive naman ng MPD-Station 2 sa Yakal St., Tondo, naaresto si Ronnie Padua, 40, ng Yakal St., Tondo, at nakumpiskahan ng isang pakete ng umano’y shabu.

Naaresto rin ng MPD-Station 2 si Romeo Portillo, 27, ng Valderama St., Tondo, sa CM Recto Avenue, habang nagpapatrulya sa Elcano St., Tondo, dakong 9:30 ng gabi.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Naaktuhang nagka-cara y cruz ang suspek, at kanyang mga kasamahan, ngunit nang sitahin ay nakumpiskahan ng isang pakete ng umano’y shabu.

Nalambat din ng pulisya si Abdul Sangcopan, 20, na may bitbit na glass tube na may hinihinalang marijuana, sa Mayhaligue at Sanchez Sts., dakong 7:30 ng gabi.

Habang inaresto naman sina Raul Cabrera, 48; Josephine Tolentino, 44; at Arnel Cabrera, 53, sa buy-bust operation sa kanilang bahay sa Maginhawa St., Road 2, sa Malate, bandang 1:00 ng hapon. Nakumpiska sa kanila ang 15 pakete ng umano’y shabu, drug paraphernalia, at P500 marked money.

Si Alea Abdula, alyas Honey, 29, miyembro umano ng Sputnik Gang, ng 640 Palanca, Quiapo, ay nadakip ng MPD-Station 11 sa buy-bust operation sa Avenida Avenue, Sta. Cruz at nasamsam ang 10 pakete ng umano’y shabu, dakong 10:50 ng gabi.

-Mary Ann Santiago