NANG pumutok ang balitang mahigit 7,000 agad ang hinuli sa BAGANSIYA ng mga pulis sa loob lamang ng 10 araw dito sa Metro Manila, sa totoo lang ay hindi ko ito ikinagulat. Pangkaraniwan na kasi sa akin ito noon pa mang bago pa lang ako sa police beat, mga apat na dekada na ang nakararaan
Ang mas ikinagulat ko ay ang bahagi ng balita na kasama sa naaresto ay mga TAMBAY na wala namang ginagawang masama kundi magpalipas lamang ng oras ‘di kalayuan sa kanilang bahay. Napamura pa nga ako nang malakas sa napanood kong video na inaresto ng mga pulis ang isang mukhang teenager na nakahubad at nakatayo sa mismong harapan ng bahay nito -- aba’y napakalaking OGAG naman ng mga pulis na iyon!
Ito ‘yong madalas kong isinusulat sa kolum na ang mga baguhang pulis sa ngayon ay “half-baked” – kaya dapat i-seminar ng husto ang mga ito para naman walang mamamayang maagrabyado.
Mahabang panahon din kasi akong natulog sa mga mesa sa presinto at nakasama ang pulis sa kanilang mga operasyon, kaya alam na alam ko ang tunay na pakahulugan ng mga pulis sa salitang BAGANSIYA – at “por dios por santo” naman, hindi lahat ng TAMBAY ay binabagansiya!
Ganito yan: Ang madalas kasing binabagansiya ng mga pulis noon ay mga PASAWAY na pakalat-kalat na mga snatcher, mandurukot, salisi at holdaper na naghihintay lamang ng tiyempong “makaisa” sa mga taong makukursunadahan nila. Kasama na rin dito ‘yong mga babaeng pagala-gala sa mga gilid ng kalsada, kumakaway sa mga driver at nag-aalok ng panandaliang-aliw. Pati na rin ang mga teenager na pasaway sa mga barangay na madaling araw na ay pagala-gala at nag-iingay sa kanilang lugar. Pero may simpleng depensa ang binabagansiya -- sedula o kahit anong Identification Card (ID) ng pagkakakilanlan niya!
Ang mga nababagansiya – diretso agad sa presinto. Pinakamatagal na kulong sa kanila ay magdamag lang. Bihira ang naasunto sa kanila kaya ‘di nadadala sa City Jail. Kadalasan kasi ay pinakakawalan din sila matapos na “magmulta ng walang resibo” sa mga pulis. Oh ‘di ba “harimunan” lang?
Kapag may isang krimen, agad mambabagansiya ang mga pulis sa lugar na pinangyarihan at ipinaparada ang mga ito sa harapan ng biktima. Malas lang nang maingungusong suspek. ‘Yong hindi naituro, bago makauwi, siyempre – “multa” muna para sa bulsa ng humuling pulis!
Sa madaling salita, ang mga pasaway na binabagansiya ay ang mga taong hindi sumusunod sa mga city ordinance gaya ng: Bawal uminom ng alak sa mga bangketa maging sa harapan mismo ng iyong bahay; ang paggala nang nakahubad; pagsusugal sa lansangan; pag-ihi kahit saang sulok ng mga bangketa; vandalism; curfew hour sa gabi para sa mga bata at teenager; pagtatapon ng basura sa ‘di itinatadhanang lugar, at marami pang iba na ‘di ko na matandaan.
Kaya may katwiran si Senator Win Gatchalian nang sabihin niya – sa news forum na Balitaan sa Maynila na ginanap noong Linggo sa Tinapayan Festival sa may Dapitan street, Sampaloc, Manila – na ang dapat na binabagansiya lamang ng mga pulis ay ang “mga tambay na pasaway” na ang kasalanan ay ang ‘di pagsunod sa mga city ordinance. Sabi ni Senator Win: “Anti-tambay kasi is very confusing, ano ba yung definition of tambay. So instead of the ‘anti-tambay’ gawin na lang ‘anti-pasaway’ because it is clearer in that campaign na may ginagawa kang hindi maganda.”
Medyo natauhan yata sa pagkulo ng damdamin ng mga taong nakaiintindi sa batas si National Capital Regional Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guillermo Eleazar kaya agad itong kumambiyo at naglabas ng direktiba para sa limang “masunuring” police district director (PDD) sa Metro Manila, na itigil na ang malawakang pagdampot sa mga TAMBAY kung wala namang nilabag na ordinansa.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.