NAMAYANI ang Centro Escolar University kontra Marinerong Pilipino-TIP, 97-79, sa isang pisikalang laro nitong Lunes sa 2018 PBA D-League Foundation Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Pinangunahan ng bulinggit na si Orlan Wamar ang Scorpions sa nasabing panalo kontra Engineers (dating Skippers) matapos ibuhos ang 14 sa kanyang game high 31-puntos sa fourth period.

Pumukol si Wamar ng pitong triples off the bench, bukod sa limang rebounds at tatlong assists.

Nag-ambag naman sina Pierce Chan ng 19 puntos at Gilles Oloume ng double-double 16 puntos at 11 rebounds.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nagkaroon ng tensiyon sa nalalabing 7:58 sa fourth quarter nang magkainitan sina Wamar at Trevis Jackson sa pag-aagawan sa loose ball.

Dito nagsimula ang gulo na naging dahilan upang matawagan ng technical fouls sina CEU acting coach Derrick Pumaren at Marinerong Pilipino-TIP coaches Koy at Joel Banal .

Mula doon, nag-init naman si Wamar upang giyahan ang Scorpions sa ikatlo nitong panalo sa loob ng limang laro.

“We know the importance of this game,” ani Pumaren. “We can’t afford to lose this ballgame and we just came out with double effort, especially on defense. We made them work for every point and we hung tough.”

Nanguna naman si Jackson para sa Marinerong Pilipino-TIP na bumagsak sa markang 3-2, kasalo ng Batangas na naunang nagwagi sa AMA Online Education, 97-95, sa ipinoste nitong 20 puntos at limang rebounds.

-Marivic Awitan