SINABI ni Pangulong Duterte na hindi niya kailanman ipinag-utos sa awtoridad ang pag-aresto sa mga “tambay”— isang salitang kalye para sa mga palabuy-laboy sa mga pampublikong lugar, na nagmula sa salitang “stand by”— sa Davao City nitong Biyernes ng gabi, Hunyo 22. “I never said ‘arrested.’ But if you are drinking in the alley in the squatters area and making a living room out of the road there, you’ll really get nabbed,” pahayag ng Pangulo.
Simula nang sabihin ito ng Pangulo sa Malacañang nitong Hunyo 13, para sa panunumpa ng mga pulis na nabigyan ng promosyon, umabot na sa 7,300 ang bilang ng mga taong naaresto ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa. Ayon kay PNP chief, Director General Oscar Albayalde, ang mga naaresto ay ikinulong dahil sa paglabag sa iba’t ibang lokal na ordinansa, kabilang ang paglabas sa kalye nang nakahubad baro, paninigarilyo sa mga pampublikong lugar at paggamit ng karaoke lampas 10:00 ng gabi.
Gayunman, dumagsa ang reklamo ng publiko nang arestuhin ng ilang awtoridad ang mga taong nakabihis nang maayos at naghihintay lamang ng kasama sa daan sa gabi, dahil sa pag-aakalang “tambay.”
Isang lalaki ang inaresto habang nakatayo sa tapat ng isang tindahan sa Barangay Sauyo, Novaliches, Quezon City, si Genesis “Tisoy” Argoncillo, 22, na ikinulong sa city jail. Matapos nito ay natagpuang walang buhay si Argoncillo dahil, ayon sa pulisya, napatay ng dalawang kapwa preso.
Sinuman ang pumatay, nasa kustodiya si Argoncillo ng pulisya nang masawi. At ang katotohanang kabilang siya sa libu-libong tambay na inaresto dahil sa kuwestiyonableng sitwasyon ang dumagdag sa dami ng kritisismong ipinupukol. Kung mayroong Kian de los Santos ng Caloocan sa Tokhang na kampanya ng PNP laban sa ilegal na droga; mayroon naman ngayong Argoncillo sa kampanya ng pulisya laban sa mga tambay.
Nananawagan ng imbestigasyon ang mga miyembro ng dalawang kapulungan, ang Kongreso at Senado, para sa pagkamatay ni Argoncillo sa kulungan sa Quezon City. Hiniling naman ng Commission on Human Rights ng Central Visayas na suspindehin ang kampanya laban sa mga tambay sa kawalan ng malinaw na panuntunan. “The CHR wants to know what constitutes tambay, because giving law enforcement the discretion to interpret it without defining it in guidelines is very dangerous and prone to abuse,” pahayag ng direktor ng CHR Central Visayas.
At ngayon nilinaw ni Pangulong Duterte na hindi niya kailanman ipinag-utos ang pag-aresto sa mga tambay— na nakatayo lamang at walang ginagawa, at palabuy-laboy lamang sa mga kalye ng lungsod. Tunay namang hindi krimen ang paglaboy, diin ng Pangulo habang inihahayag ang kanyang galit sa mga kritiko tulad ng ilang oposisyong miyembro ng Senado at “deranged constitutionalists.”
Maaaring ang problema ay nasa implementasyon ng ilang pulis sa naisip nilang gusto ng Pangulo. Ang nais ng Pangulo ay ang tulungan ng awtoridad ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga ordinansa laban sa mga iba’t ibang gawain tulad ng pag-inom at pagsusugal sa mga pampublikong lugar, laban sa mga lalaking nakahubad baro sa kalye, na dahil na rin siguro sa init ng panahon, at kontra sa pagkanta sa karaoke lampas sa 10:00 ng gabi. Hindi paglaboy, hindi pagtayo nang walang dahilan, hindi ang tambay.
Bago muling ipagpatuloy ang kampanya, nararapat muna itong linawin ng PNP gamit ang maayos na panuntunan, kasama ng malinaw na panuto para sa mga pulis na magpapatupad nito.