Upang matiyak ang supply ng abot-kayang bigas sa merkado, hinikayat ni Senador Bam Aquino ang pamahalaan na tiyaking mapupunta sa tamang pinaglaanan ang bigas na inangkat ng National Food Authority (NFA).
Aniya, mahigit isang taon ding nagtiis ang ating mga kababayan sa mahal na presyo ng bigas, at ngayong naglabas na ang NFA ng murang bigas ay dapat lang na bantayan ito, at tiyaking tanging ang mahihirap ang makikinabang.
Una nang inihayag ng pamahalaan na inaasahan nang bababa ang presyo ng bigas sa pagdating ng unang batch ng imported rice, na ipamamahagi sa mga lalawigan sa Luzon at Mindanao.
Ang nasabing bigas ay may dalawang uri, na ibebenta ng P27 at P32 kada kilo.
Ilang buwan na ang nakalipas nang lumobo ang presyo ng commercial rice sa P45-P50 kada kilo matapos na halos masaid ang supply ng NFA rice sa bansa.
-Leonel M. Abasola