WASHINGTON (AFP) – Muling bibisitahin ni First Lady Melania Trump ang undocumented child immigrants ngayong linggo, ilang araw matapos ang nauna niyang pagbisita habang mainit ang debate ng mga mambabatas sa immigration policy.
Binawi ni U.S. President Donald Trump ang kautusang pinaghihiwalay ang mga bata sa kanilang mga magulang na illegal immigrant na ikinagalit ng mundo.
Ngunit hindi pa rin malinaw kung paano ibabalik ng administrasyon ang mahigit 2,300 batang naihiwalay na sa kanilang mga pamilya.
Noong Hunyo 21, sorpresang bumisita si Melania Trump sa mga bata na federal facility sa McAllen Texas para alamin kung paano makatulong sa kanilang sitwasyon. Ngunit mas pinansin ng marami ang kanyang jacket na may nakasulat na “I really don’t care, do you?”
Sinabi ng kanyang spokeswoman na si Stephanie Grisham na mangyayari ang ikalawang pagbisita ng first lady ngayong linggo, ngunit hindi nagbigay ng eksaktong oras at lugar.