Bumuo si Pangulong Duterte ng three-man committee na makikipagdiyalogo sa mga pinuno ng Simbahang Katoliko at sa iba pang grupo, kasunod ng kontrobersiyal niyang mga pahayag tungkol sa pananampalatayang Katoliko.

Itinalaga ni Duterte sina Presidential Spokesman Harry Roque, Foreign Affairs Undersecretary Ernesto Abella, at EDSA People Power Commission member Pastor Saycon upang pangunahan ang diyalogo sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at sa iba pang grupong relihiyoso.

“Siguro ang tema ng mga pag-uusap paano mabawasan ang hidwaan sa pagitan ng gobyerno at simbahan. Alam ko po may separation of church and state, hindi kinakailangan makipagdayalogo, pero minabuti ng Presidente na sige buksan ang proseso ng diyalogo,” sinabi ni Roque sa press conference sa Davao City.

Hindi naman itinanggi ni Roque na malaki ang posibilidad na may kinalaman sa pag-atake kamakailan ng Pangulo sa Simbahang Katoliko ang gagawing pag-uusap.

Bong Revilla, Jinggoy Estrada kumambiyo rin sa Adolescent Pregnancy Bill

“Meron siguro relasyon din ‘yan. At ninanais ng presidente na dahil parehong kabahagi ng lipunang Pilipino ang Simbahan at gobyerno, siguro walang mawawala kung mas mabuti ang samahan sa panig ng simbahan at gobyerno,” ani Roque.

Positibo naman ang pamunuan ng CBCP na kabutihan ang ibubunga ng nasabing dayalogo.

“That is most welcome development. To dialogue; is to listen to one another, is always good,” saad sa mensahe ni CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles.

Hindi naman kumbinsido si Manila Archbishop Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, sa sinseridad ng pangulo para sa pakikipag-usap.

“Palusot lang ‘yan para ma-diffuse ang criticism sa kanya,” ani Pabillo.

Samantala, hindi naman binawi ni Duterte ang kanyang mga naging pahayag tungkol sa “stupid God” at iginiit ang karapatan niya sa malayang pagpili ng relihiyon. Aniya, ang kanyang Diyos ay “perfect” at “more supreme” kaysa Diyos ng mga tao.

“I never said I never had God. Sabi ko—rebyuhin n’yo ‘yun. Your God is not my God. Your God is stupid. My God is perfect and has a perfect common sense,” sinabi ni Duterte sa oath-taking ng mga barangay chairman sa Northern Mindanao, na ginawa sa Cagayan de Oro City.

“Why do you have to talk about religion? If I choose not to believe in any God, what’s the f***** thing about it? It’s a freedom of—to choose one,” giit pa niya.

-Genalyn D. Kabiling at Mary Ann Santiago