Kaugnay ng nalalapit na ikalawang anibersaryo ng administrasyong Duterte at ng kontrobersiyal na war on drugs ng pamahalaan, inilunsad kamakailan ng tatlong pangunahing unibersidad sa Pilipinas ang website na nagdedetalye at sumusubaybay sa kampanya kontra droga.
Pinangunahan ng Ateneo de Manila University, De La Salle Philippines, at ng University of the Philippines-Diliman, katuwang ang Stabile Center for Investigative Journalism ng Colombia Graduate School of Journalism, ang pagbubukas ng Drug Archive Philippines (drugarchive.ph), isang online database ng mga dokumento at mga impormasyon tungkol sa anti-drug campaign ng bansa.
Layunin nitong makapangalap at suriin ang mga datos at mga dokumento na may kinalaman sa nasabing kampanya, at makapaglunsad ng pag-aaral para matukoy kung epektibo ito.
Matatandaang noong Hunyo 2016, kasabay ng pag-upo ni Duterte bilang bagong pangulo ng bansa, ay inatasan niya ang Philippine National Police na magkasa ng malawakang operasyon laban sa ilegal na droga, sa ilalim ng “Oplan Double Barrel”, na kinapapalooban ng naging kontrobersiyal na “Oplan Tokhang”.
Ang website ay may tatlong bahagi: ang Court Cases, Official Death Tally, at Official Documents.
Makikita rin sa drugarchiveph. ang antidrug campaign timeline na nagbibigay ng update sa mga pagbabago sa anti-drug campaign simula noong Mayo 9, 2016 hanggang nitong Hunyo 22, 2018.
-Myca Cielo M. Fernandez