Maghihigpit na ang Judicial and Bar Council (JBC) sa mga documentary requirement para sa mga aplikante sa pagka-punong mahistrado.
Ito ang inihayag ng JBC sa official website nito, kasabay ng pagbubukas ng aplikasyon at nominasyon para sa pinakamataas na posisyon sa Hudikatura.
Ayon sa JBC, ang paghihigpit ay kasunod ng sinapit ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na pinatalsik sa puwesto, sa pamamagitan ng quo warranto petition, dahil sa kabiguang magsumite ng kumpletong Statement of Assets, Liabilities and Networth noong 2012.
Paalala pa ng JBC, hindi ipoproseso ng council ang aplikasyon ng mga interesado sa posisyon kapag kulang sa documentary requirement, out of date, o huli na nang ipasa ang mga dokumento.
Hindi rin umano tatanggapin ng JBC ang aplikasyon kung wala itong transmittal letter na naglalaman ng manifestation na lahat ng mga dokumentong hinihingi ng konseho ay kumpleto.
Hanggang kahapon lang tinanggap ang mga aplikasyon.
-Beth Camia