Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang paghahanap ng technology provider na magta-transmit ng resulta ng botohan sa mid-term elections sa Mayo 13, 2019.
Nabatid na binuksan na ng Comelec ang bidding para sa technology provider ng Election Results Secure Transmission Solutions at Management and Related Services bilang bahagi ng paghahanda sa naturang automated elections.
Batay sa inisyung invitation to bid, na pirmado ni Special Bids and Awards Committee (SBAC) Chairman Thaddeus Hernan, naglaan ang Comelec ng kabuuang P1,181,567,128.50 pondo para sa kontrata ng nasabing proyekto.
Ang mga tatanggaping bidder ay dapat na nakakumpleto na ng kontrata sa kaparehong proyekto sa nakalipas na pitong taon.
Limitado lamang ang open competitive bidding sa mga kumpanya na pag-aari ng mga Pilipino o mga organisasyon na mayroong 60-percent interest pataas, o outstanding capital stock na pag-aari ng Pilipino.
Ayon sa Comelec, ang mga interesadong lumahok sa bidding ay maaaring bumili ng kumpletong s e t ng biddi n g document na nagkakahalaga ng P75,000 hanggang sa Hulyo 13, 2018.
Inaasahang magdaraos naman ang BAC ng pre-bid conference sa Hunyo 29, 2018 at ang bid opening ay sa Hulyo 13, 2018.
Samantala, mahigpit ang paalala ng poll body na ang mga bid ay dapat maisumite sa BAC Secretariat bago sumapit ang 9:00 ng umaga sa Hulyo 13, sa EBAD Conference Room sa Palacio del Gobernador Building sa Intramuros, Manila.
-Mary Ann Santiago