Sinabi ng Malacañang na hindi hihingi ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte sa desisyon nitong makipagkaibigan sa China dahil ang polisiyang ito ang itinuturing niyang isa sa mga solusyon para maresolba ang iringan sa South China Sea.

Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos magpahayag si Acting Chief Justice Antonio Carpio na ang paulit-ulit na bababala ni Duterte na ang paggigiit sa sovereignty ng bansa sa West Philippine Sea (WPS) ay magreresulta lamang sa giyera sa China.

Sa press briefing sa Cagayan de Oro, sinabi ni Roque na ang paggamit ng puwersa laban sa China ay magbubunga lamang sa military misunderstanding sa higante ng Asia.

Sinabi rin ng opisyal ng Palasyo na ang desisyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III na magpadala ng Navy sa Panatag (Scarborough) Shoal ay ang pangunahing dahilan kung bakit naroon ang Chinese forces at hindi na umalis.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Well, hindi po nag-a-apologize ang Presidente roon. Dahil sa totoo lang po, kung tayo po ay gagamit ng dahas gaya ng ginawa ni Presidente Aquino na naging dahilan kung bakit nandoon na ngayon ang mga Tsino sa Panatag, ‘yung pagpapadala ng isang Navy ship, ay magreresulta po ‘yan sa isang hidwaang militar na iniiwasan natin,” ani Roque.

“Kasi noong nakipag-away tayo, malinaw na pinagtabuyan tayo sa Panatag. Hindi po ‘yan mabubura. ‘Wag po nating kalimutan, na si Presidente Aquino ang unang nag-militarize niyan dahil siya nagpadala ng Navy,” dagdag niya.

Idiniin ng opisyal ng Palasyo na mareresolba ang iringan sa pamamagitan ng diplomasya at binanggit na ang pagpapabuti sa relasyon ng Pilipinas at China marahil ay magbubunga ng resolusyon.

“Itong pagkakaibigan po, siya pong dahilan kung hindi lang tayo nagkakaroon ng mas malawakang pagsasamahan sa bansang Tsina. At itong bagong pagkakaibigan po, ito rin ang magbibigay ng solusyon dahil ang desisyon po ng Arbitral Tribunal, wala pong kinalaman sa pinag-aagawang isla,” ani Roque.

-Argyll Cyrus B. Geducos