SA mga nakalipas na rehimen, ang kampanya kontra droga ay naging bahagi ng pamamahala. Sa bawat administrasyon, may naging matindi at malamyang kampanya laban sa illegal drugs. Ang mga drug enforcer ng pamahalaan ay may napapatay na mga drug pusher at drug user. Natutuklasan ang mga bahay na pinagmumulan ng droga at ang mga laboratoryo na gawaan ng droga. Nadarakip ang mga nasa likod ng illegal drugs na karamihan ay mga Intsik na may mga kasabuwat na mga Pilipino.

Ngunit sa kabila ng mga puspusang kampanya sa illegal drugs, nagsusulputan pa rin na parang mga kabute ang mga drug pusher at drug user. May nasabat at nahuli ang Bureau of Customs (BoC) na mga ilegal na droga, na milyun-milyong piso ang halaga, ngunit hindi mabatid kung sinu-sino ang nagsabuwatan sa pagpapalusot ng nasabing mga illegal drugs. May inimbitahan at inimbestigahan ngunit wala naman nangyari. Ang kampanya sa illegal drugs ay dating nasa pamamahala ng Philippine National Police (PNP). Ngunit nang mabatid na parang walang gulugod ang PNP sa giyera kontra droga, inilipat ito sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nagpanukala kamakailan ang PDEA na magsagawa ng mandatory drug test sa mga batang mag-aaral at mga guro mula Grade IV hanggang Grade 12. Ginawa ang panukala ni PDEA Director General Aaron Aquino makaraan nilang mailigtas ang isang sampung taong gulang na batang babae sa illegal drugs.

Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, ang kanilang rekomendasyon na drug test ay pag-aaralan pa at magkakaroon ng “workshop” sa ibang ahensiya ng pamahalaan lalo na sa Department of Education (DepEd). Sinabi pa ni Aquino na hindi nila agad ipatutupad ang drug test sa bawat mag-aaral at ito ay ibabatay sa ibubunga ng talakayan. Kung sa workshop ay lumabas na hindi kailangan, hindi magkakaroon ng drug test sa mga mag-aaral. Ayon pa kay Aquino, susunod sila sa DepEd o sa social welfare department kung ano ang dapat gawin para sa kapakanan ng ating mga kabataan.

Maganda ang layunin ng PDEA ngunit marami ang tutol at sumikad sa nasabing mandatory drug test sa mga batang mag-aaral. Kabilang na rito ang DepEd, mga grupo ng mga guro, mga magulang at mga mambabatas. May kanya-kanyang paliwanag sa pagtutol sa mandatory drug test. Ayon sa DepEd, ang balak na drug testing ay labag sa dangerous drug law na iniaatas lamang ang mandatory drug test sa mga mag-aaral sa sekondarya at kolehiyo. Bukod dito, gagastos ang pamahalaan sa drug testing ng P200 sa bawat mag-aaral mula Grade 4 hanggang Grade 12, na umaabot sa 14 na milyon. Gagastos ang gobyerno sa drug testing ng P2.8 bilyon. Tutol din sa naturang mandatory drug testing, ang mga opisyal ng DepEd at ang Commission on Human Rights (CHR) na nagsabing ang panukala ay maaaring maging dahilan ng pagkasira ng buhay ng isang paslit. May nagsabi naman na magbubunga ng takot sa mga batang mag-aaral ang mandatory drug test.

Sang-ayon naman sa panukala ng PDEA ang isang opisyal ng Catholic Bishops Coference of the Philippines (CBCP). Ayon kay CBCP Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education chairman at San Jose, Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, mahalaga ang naturang panukala ng PDEA upang mapigilan ang kabataan na masangkot sa droga

Ayon pa kay Bishop Mallari, mahalaga na mapigil at hindi maapektuhan ang mga bata ng problema sa droga. “Para sa mga magulang at mga guro natin, I think mahalaga na we try to as much as possible, we cooperate to the government kasi I suppose gusto din nila ang ikabubuti ng mga anak natin,” anang Bishop.

Umani naman ng batikos sa ating mga mambabatas ang panukala ng PDEA. Ayon kay Magdalo Rep Gary Alejano, naniniwala siya na dapat ituon ng gobyerno ang pansin sa pinagmumulan ng droga at dakpin ang mga drug lord. Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin makilala ng pamahalaan ang mga nasa likod ng ipinuslit na droga noong Mayo 2017 na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon.

-Clemen Bautista