Handa ang gobyerno na harapin ang anumang congressional inquiry sa kontrobersiyal na kampanya ng pulisya laban sa mga nakatambay sa kalsada na lumalabag sa iba’t ibang ordinansa.
Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na inirerespeto ng Palasyo ang plano ng Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon sa usapin, idinagdag na walang itinatago ang administrasyon tungkol sa nasabing peace and order campaign nito.
“May kapangyarihan ang Kamara na magkaroon ng ganyang imbestigasyon lalong-lalo na dahil it will be in aid of investigation,” sinabi ni Roque sa press conference sa Cagayan de Oro City. “We always welcome any congressional inquiry. Wala pong itinatago.”
Nilinaw ni Roque na ang utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang pauwiin ang mga tambay, at hindi arestuhin ang mga ito.
Tanging mga lumalabag sa mga ordinansa ang aarestuhin, aniya.
“Kung wala kang ginagawang kasalanan, paglabag sa kahit anong batas, hindi ka naman pupuwedeng hulihin. ‘Yan po ay police visibility at iyon po ay talaga namang isang pamamaraan para po maiwasan ang krimen,” sinabi ni Roque sa isang panayam sa telebisyon.
Nanawagan si Senator Bam Aquino na imbestigahan ang patakaran ng pamahalaan laban sa mga tambay at ang pagkamatay ni Genesis “Tisoy” Argoncillo, na nasawi sa kustodiya ng Quezon City Police District apat na araw matapos maaresto sa umano’y alarm and scandal.
“Hindi siya (Argoncillo) mamamatay kung hindi ipinatupad ang isang polisiya na nakatarget ang mahihirap,” ani Aquino. “Maraming mga detalye na hindi tumutugma, pero ang malinaw sa akin, hindi dapat namatay si Tisoy.”
Plano ring magkasa ng pagsisiyasat sa Kamara, sa pangunguna ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate.
-GENALYN D. KABILING at LEONEL M. ABASOLA