MAGSISIMULA na sa susunod na buwan sa Cebu ang operasyon ng kauna-unahang water bus system sa bansa. Usap-usapan din ang bagong Pasig river ferry system para sa Metro Manila nitong Abril, na inaasahang magsisimula sa kalagitnaan ng taon. Ngayon ang Cebu ay nag-anunsyo ng pagsisimula ng operasyon sa pantalan ng South Road Properties malapit sa Malacanang sa Sugbo. Pinahintulutan ni Mayor Tomas Osmena na magamit ng Max Boat Marine Corp. ang lugar sa pantalan bilang pansamantalang terminal.
Sa pamamagitan ng bagong water bus system, ang biyahe mula sa Cebu City papuntang bayan ng Oslob ay gugugol na lamang ng 90 minuto, sa halip na limang oras na inaabot sa pagbyahe gamit ang bus. Sinasabing ang bagong twin-engine buses ay doble ang bilis mula sa kasalukuyang ferry boat.
Para sa ating bansa na napaliligiran ng mga ilog, lawa at mga dagat, ang water buses ay tunay na isang ideyal na solusyon para sa tumitinding problema ng trapik sa mga siksikang kalsada. Nakilala ang Metro Manila bilang isa sa mga pinaka masisikip na siyudad sa buong mundo, ngunit ang problema ay lumaganap na sa iba pang sentro ng mga rehiyon sa bansa, na resulta ng lumolobong populasyon at pagpapaunlad ng ekonomiya.
Sa pagsisimula ng bagong administrasyon, ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa bagong Department of Transportation (DoTr) na pagtuunan ang problema ng Metro Manila, na humiling pa sa Kongreso para sa isang emergency power upang mabilis na makabuo ng solusyon, tulad ng pagkuha ng right of way. Ilang pagbabago ang makikita, na resulta ng mas sistematikong implementasyon ng Metro Manila Development Authority. Konstruksiyon ng mas maraming kalsada, overpass, mga tulay at ang inaasahang subway.
Pangunahing bahagi ng solusyon ang plano na binuo ng gabinete na pinamumunuan ng Department of Budget and Management. Ito ay isang bagong sistema ng 24 air-conditioned ferry boat na bibiyahe papunta at pabalik ng ilog Pasig mula Laguna de Bay sa silangang bahagi papuntang Manila Bay sa kanluran, mayroon itong 12 istasyon, na madadagdagan hanggang 29 sa loob ng apat na taon.
Aprobado na ang plano sa ginanap na pagpupulong ng mga gabinete na pinangunahan ni Pangulong Duterte nitong Abril habang isang executive order ang binuo para sa pagpapatupad nito kasama ng paunang pondo na manggagaling sa budget ng DoTr, ng Department of Public Works and Highways, Department of Environment and Natural Resources, National Economic and Development Authority, ang Pasig River Rehabilitation Commission, at ng Laguna Lake Development Authority.
Hihintayin natin ang pagsisimula ng Pasig river system na may air-conditioned na mga ferry. Sinabi ni DBM Secretary Benjamin Diokno na planong ibigay ang operasyon ng ferry system sa isang pribadong kumpanya sa kalagitnaan ng taon. Ang kalagitnaan ng taon na inaasahan ay sa pagtatapos ng buwan na ito.