Hindi na aarestuhin ng awtoridad ang mga tambay sa Metro Manila.
Ito ang tiniyak kahapon ni National Regional Police Office (NCRPO) director, Chief Supt. Guillermo Eleazar kasabay na rin ng paglabas nito ng direktiba sa lahat ng police district director na itigil na ang malawakang pagdampot sa mga tambay kung wala namang nilabag na ordinansa.
Aniya, naglabas sila ng guidelines kaugnay ng usapin.
Kahit, aniya, pagala-gala sa kalye ang mga tambay na wala namang nilalabag na batas ay hindi ito maaaring dakpin.
Tiniyak ni Eleazar na mahigpit na ipinatutupad ng PNP ang mga ordinansa, katulad ng pag-inom at paninigarilyo sa pampublikong lugar at paglalakad sa kalye na nakahubad baro.
Ayon pa kay Eleazar, hindi rin aarestuhin ang mga menor de edad na lumalabag sa curfew kapag kasama nito ang kanyang magulang.
Nilinaw din ni Eleazar na magbibigay ng ticket ang PNP sa mga lumalabag sa ordinansa na babayaran sa city hall.
Kaugnay nito, aabot naman sa 10,000 tambay ang dinampot sa National Capital Region (NCR).
-FER TABOY at JUN FABON