PINANGUNAHAN ni Secretary Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang paglulunsad ng Provincial Communications Officers Network (PCONet) sa Bohol, nitong Biyernes.
Ayon kay Andanar, layunin ng programang PCONet na matulungan ang pamahalaan sa pagbibigay ng kaalaman sa mga tao upang matukoy at maiwasan ang pagkalat ng fake news at maling impormasyon, na nakikitang banta para sa demokrasya at ekonomiya ng bansa.
Aniya, kapag sinubukang ikalat ng isang tao ang tamang impormsyon, isa itong serbisyo ibinibigay para sa lipunan at henerasyon sa hinaharap. “This is important in nation building,” ani Andanar.
Ang paglulunsad ay dinaluhan ng mga public information officer mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan, mga ahensiya sa rehiyon, akademya, sektor ng kabataan at mga mamamahayag sa Cebu at Bohol.
Sa paglulunsad ng programa, binanggit ni Andanar ang mga nagawa ng administrasyon kabilang ang halos dumobleng numero ng pagtaas ng foreign direct investments at ang malaking pagbaba ng mga kaso ng krimen, na nagbibigay sa bansa ng mas magandang imahe para sa pamumuhunan.
Ayon kay Andanar, umabot na sa $10 billion ang pamumuhunan sa bansa sa pagtatapos ng 2017 kumpara sa $5.6 billion noong 2015.
Katuwang ang PCOO-attached agencies kabilang ang Philippine Information Agency (PIA), Philippine News Agency (PNA), Radyo Pilipinas, People’s Television Network (PTV), at iba pang online platforms media ng pamahalaan, isusulong ng mga ahensiya ang paglaban kontra sa pagkalat ng fake news at maling impormasyon.
Malaki ang inilaan ng pamahalaan para sa modernisasyon ng mga nasabing ahensiya na gagamit umano ng teknolohiya upang maibigay ang tamang impormasyon sa pinakamamalayong lugar sa Pilipinas.
Kaugnay nito, hinikayat ni PIA Director-General Harold Clavite ang publiko na makilahok upang masolusyunan ang mga isyu na nakaapekto sa pagkalat ng tamang impormasyon at upang mabago ang sitwasyon ng pagkalat ng impormasyon sa bansa.
PNA