PINARANGALAN at binigyan ng pagkilala ang napiling sampung natatanging Rizalenyo sa idinaos na GAWAD RIZAL 2018 ng Rizalenyo Awards Committee nitong ika-19 ng Hunyo. Ang pagkakaloob ng award na ginanap sa SM Cherry Antipolo City ay pinangunahan ni Propesor Ver Esguerra, chairman ng Editorial Board ng Rizalenyo Sulo Award Group.
Ang pagkakaloob ng GAWAD RIZAL 2018 ay kaugnay at pakikiisa sa pagdiriwang ng kaarawan ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal at ng ikapitong anibersaryo ng Rizalenyo Sulo Magazine.
Ang GAWAD RIZAL ay isang prestihiyosong parangal at pagkilala na ipinagkakaloob sa bawat Rizalenyo na nagtagumpay sa kanilang propesyon, nagpakita ng halimbawa sa hindi pangkaraniwang mga nagawa, namumukod na liderato, mahusay na sibikong mga pananagutan at matapat na pagkatao, nagbigay ng karangalan hindi lamang sa kanyang bayan at sa lalawigan ng Rizal kundi maging sa iniibig nating bansa.
Ang sampung natatanging Rizalenyo na pinarangalan at pinagkalooban ng GAWAD RIZAL 2018 ay sina Alex Asuncion, sa Golf Sports; Clarence M. Batan, sa Higher Education; Fidel Sta. Catalina, sa Agriculture; Marilou de Jesus, sa Cardiovascular Medicine; Teodulo C. del Rosario, sa Civic/Community Service; Aileen Q. Fernandez, sa Banking; Salvador T. Juban, sa mural painting; Mila I. Martinez, sa Architecture; Enrique S.Palacio, sa Education Curriculum; at Juan F.Torre, Jr., sa Nuclear Medicine.
Ang pagkakaloob ng GAWAD RIZAL 2018 ay ginanap sa SM Cherry sa Masinag, Antipolo City. Tampok na panauhing tagapagsalita si dating Rizal Vice Governor Frisco “Popouy” San Juan, Jr., na ngayon ay Deputy Chairman ng Metro Manila Deverlopment Authority (MMDA). Sa bahagi ng mensahe ni dating Rizal Vice Governor Popoy San Juan, Jr., sinabi niya na ang mga GAWAD RIZAL 2018 Awardee ay maihahalintulad sa mga bulaklak na ang halimuyak o tagumpay at mga nagawa ay magsisilbing inspirasyon sa mga taga-Rizal lalo na sa mga kabataan at maging sa iba nating mga kababayan.
Ang nagpahayag naman ng pasasalamat at kumatawan sa mga awardee ay si Clarence M. Batan, na sumang-ayon sa pahayag ni San Juan Jr. Ayon pa sa kanya, ang masasabi niyang tunay na “halimuyak” ay ang mga magulang ng mga itinuturing na natatanging mamayan, sapagkat sila ang nag-aruga, nagpalaki at nagpaaral upang maging matagumpay sa kanilang propesyon ang kanilang mga anak.
Sa bahagi naman ng mensahe ni Propesor Ver Esguerra, chairman ng The Rizalenyo Sulo Awards Group, ang GAWAD RIZAL ay bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Lalawigan ng Rizal, Araw ng Kalayaan at ng kaarawan ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal.
Bukod sa mga magulang, pamilya at mga kaibigan ng mga awardee na dumalo sa GAWAD RIZAL 2018, ay dumalo rin sina dating Mayor-Congresman Lito Gatlabayan, Antipolo City Vice Mayor Pining Gatlabayan, Senate Secretary Lutgardo barbo, Vic Ramos, direktor ng Philippine National Red Cross (PNRC) Batangas; Rizal Vice Governor Dr. Rey San Juan, Jr. at dating Rizal Governor Rey San Juan. Dumalo rin at naging mga panauhin ang mga Rizalenyo na Gawad Rizal awardee.
-Clemen Bautista