INANUNSIYO nitong Huwebes ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang tatlong buwang suspensiyon ng kanilang usapang pangkapayapaan. Ayon sa Malacañang, ang pagpapaliban ay magbibigay ng panahon kay Pangulong Duterte para repasuhin ang lahat ng mga napagkasunduan na. Pero sa online interview kay NDFP consultant Jose Ma. Sison sa Ultrecht, Northerland, sinabi nito na walang mangyayaring ceasefire sa susunod na tatlong buwan dahil nais muna ng Pangulo na maglunsad ng opensiba laban sa kanila at alamin ang magiging bunga nito.

Nito lang Biyernes, minaliit ni Spokesperson Col. Edgard Arevalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang winika ni Sison na kayang ibagsak ng mga rebelde si Pangulong Duterte kapag tuluyan na nitong kinansela ang peacetalk. “May mga usaping pangkapayapaan nang naganap at bawat pagtatangkang patalsikin ang mga naging Pangulo ay hindi sapat na maipursige ito o matigatig man lang ang commander-in-chief,” sabi pa niya. Ang lakas ng loob nitong si Sison, aniya, gayong ang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ay maramihan na kung sumuko sa militar.

Totoo, bawat pangulong nagdaan, mula kay Pangulong Cory Aquino hanggang kay Pangulong Duterte ay nagkaroon ng usapang pangkayapaan. Nakansela ang mga ito mula kay Pangulong Cory hanggang kay Pangulong Noynoy, pero, tama si AFP Spokesperson Arevalo na hindi umabot kahit man lang sa pagpupunyagi na ibagsak ang mga Pangulo dahil sa kanselasyon. Pero, napakalaki ng pagkakaiba ng mga nakaraang administrasyon kaysa kasalukuyan para ihalintulad ang naging bunga ng walang kinahitnang peacetalk. Ang kasalanan lamang ng mga nakaraang administrasyon ay kurapsyon. Napagtiisan ng mamamayan ang kurapsyon kahit malaking pagnanakaw ang nangyari sa gobyerno. Kahit sa pagnanakaw na ito ay nagkagutom-gutom sila. Kaya lang, ang mga Pangulo sa mga panahong ito ay hindi malupit. Hindi sila pumapatay. Kaya, iba ang sitwasyon noon.

Malakas ang loob ni Sison na magbanta kahit totoo man na marami na silang miyembrong sumuko sa militar. Kasi, kung ano ang dami ng humihiwalay sa kanilang grupo, ganoon din kadami, o higit pa ang naitutulak na sumapi sa kanila. Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, hindi lang naman isyu ang kurapsyon at kagutuman, kundi maging kalupitan, kaapihan at kawalan ng katarungan.

Itinuturo ng kasaysayan at katwiran na puwedeng nagtiis at umasa pa ng pagbabago ang mamamayan sa ilalim ng administrasyong ganid at magnanakaw. Pero sa ilalim ng administrasyong ganid na, ay malupit pa at walang paggalang sa karapatang pangtao, itinutulak ang mga naaapi na humanap ng katarungan kahit sa anong paraan. Pagdepensa na kasi ito sa kanilang sarili. Eh, ang grupo ni Sison ang takbuhan nila. Armado ito at may sanhi ang ipinaglalaban.

Maaaring ang kanilang ipinaglalaban sa iba ay hindi katanggap-tanggap, pero sa mga masang naaapi at naghahangad ng katarungan, higit na akma ang armadong grupong ito para sa kanilang layunin. Hindi na kailangan pang mangalap ng kasapi ang NPA. Ang kahirapan at kaapihan ay numero unong recruiter nito.

-Ric Valmonte