HALOS lahat ng taga-industriya ng pelikulang Pilipino ay nagkakaisa sa pagsasabing very deserving si Nora Aunor na pagkalooban ng National Artist award sa larangan ng pagganap.
Hindi matatawaran ang acting achievements ng nag-iisang Superstar. Pero nananatiling mailap na ipagkaloob ito sa kanya, lalo na noong termino ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, na mistulang lalong naging mailap ang nasabing parangal para sa kanya.
Gayunpaman, may simpleng pahayag dito si Ate Guy: “Kung para sa akin ang award, then it is fate at salamat. At kung hindi para sa akin, there is someone who deserves it better.”
Ang National Artist award ay iginagawad ng National Commission for Culture and Arts (NCAA) at ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa iba’t ibang larangan, tulad ng musika, sayaw, literatura, painting and design, at pelikula.
Pawang National Artist ang mga yumaong sina Gerry de Leon, Lino Brocka at Ishmael Bernal, na lahat ay naging direktor ni Ate Guy.
-REMY UMEREZ