PABAGU-BAGO ang pahayag ni Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chairman Jose Ma. Sison kung matutuloy siya sa kanyang pagbisita sa Maynila, upang makipagkita kay Pangulong Duterte para sa pagpapatuloy ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng CPP- New People’s Army (NPA)- National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Subalit patuloy na naninindigan ang CPP-NPA-NDCP na dapat ipagpatuloy ang pag-uusap sa ibang bansa, hindi sa Pilipinas.
Nang kanselahin ni Pangulong Duterte ang naitakda nang pagbuhay sa usapin sa Hunyo 28-30, sinabi niyang nais niyang hingin ang pananaw ng sambayanan bilang buo—sa kanyang mga salita “to engage the bigger peace table, the general public as we negotiate peace with the Communist rebels.” Aniya, hindi niya maunawaan kung bakit kailangan pang idaos ang peace talks sa ibang bansa gayong “we are all Filipinos.” Kaya naman inimbitahan niya si Sison na umuwi sa bansa.
Pumayag si Sison na umuwi sa Maynila matapos ang isang back-channel na negosasyon sa Utrecht, The Netherlands, kung saan nanirahan at nagkulong si Sison simula noong 1980. Tila kumpiyansa naman si Sison na muling makakabalik sa Utrecht sa ilalim ng “necessary political, legal, security, and technical requirements” na nakasaad sa dokumentong nilagdaan nitong Hunyo 9.
Gayunman, si Sison at hindi ang CPP-NPA-NDFP, na ang mga lider ang patuloy na umaatake sa Pilipinas habang si Sison ay nasa Netherlands. Ilan sa mga pinuno ngayon ang nakakulong sa mga bilangguan sa bansa dahil sa iba’t ibang kaso; habang marami pa rin ang nagtatago. Nakikita rin nila na ang pag-uusap sa ibang bansa ay magbibigay sa kanila ng kasiguraduhan ng pagkakapantay-pantay, na hindi nila makukuha sakaling idaos ang pag-uusap sa bansa sa ilalim ng batas at hurisdiksyon ng Pilipinas. Ang Norway bilang “tagapamahala,” ang tila namamagitan sa dalawang bansa.
Ngunit hindi ito dapat ang kaso, ayon sa Pangulo at iba pang opisyal ng bansa na nagbigay ng suporta sa Presidente para sa kanyang tindig, kabilang dito sina Senate President Vicente Sotto III, Senate Minority Leader Franklin Drilon, at sina Senador Aquilino Pimentel III, JV Ejercito at si Senador Panfilo Lacson na nagsabing, “I cannot understand for all the life of me why we need a third-country facilitator for an all-Filipino conflict.”
Ang isang harapang pagpupulong sa pagitan nina Pangulong Duterte at Sison ay isang malaking hakbang, ngunit malayo pa ang tatakbuhin nito. Ang mga pinunong nasa bansa, na silang namumuno sa CPP, NPA at NDFP dito sa Pilipinas, na sila ring nakikipaglaban sa pamahalaan sa mga nakalipas na dekada sa mga kabundukan at iba pang malalayong lugar sa bansa—ang dapat na maabot at makausap. Dapat silang hikayatin na ang layunin nilang hinahangad sa Pilipinas ay maaaring matamo sa pamamagitan ng mas mapayapang paraan.