YEKATERINBURG, Russia — Sa loob ng 72 minuto, matamang naghihintay ng pagkakataon sa bench si Keisuke Honda. Matapos ang anim na minuto, bahagi na siya ng kasaysayan bilang unang Japanese player na nakaiskor ng goal sa nakalipas na tatlong World Cup.
Mula sa bench bilang substitute player, umiskor ng goal ang dating AC Milan forward sa ika-78 minuto para gabayan ang Japan sa 2-2 draw laban sa Senegal nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Nakapagtala rin ng goal ang 32-anyos na si Honda noong 2010 at 2014 World Cups. Sa kabuuan ng kanyang international career, naitala niya ang 37 goals.
“I believe I used substitutions very well in looking back,” sambit ni Japan coach Akira Nishino. “Honda was moved from center to the wide side and he was very versatile at adapting to that position.
“We really wanted to win, we wanted to equalize and also take the lead even though there was only a short period of time left.”
Bunsod ng draw, nagtabla ang magkaribal sa liderato sa Group H tungo sa kanilang huling elimination match. Haharapin ng Japan ang Poland, habang mapapalaban ang Senegal sa Colombia.
Nailagay ni Sadio Mane ang Senegal sa 1-0 bentahe sa ika-11 minuto ng laro.
“The ball touched my foot and went into the net. It was really just the foot on the ball,” sambit ni Mane.
Nakabawi ang Japan sa ika-34 minuto mula kay Takashi Inui, ngunit muling umabante ang Senegal sa 2-1, nang makaiskor si Moussa Wague sa ika-71 minuto.
At matapos ang mahabang oras sa bench, naglaro si Honda para maitabla ang iskor mula sa pasa ni striker Shinji Okazaki.
COLOMBIA 3, POLANAD 0
Sa Kazan, pinangunahan ni Radamel Falcao ang Colombia sa dominanteng 3-0 panalo kontra Poland para bigyan ng buhay ang sisinghap-singhap na kampanya na makausad sa Round-of-16.
Sibak na ang Poland.
Nailagay ni Falcao, nabigong makalaro sa 2014 World Cup bunsod ng injury sa tuhod, ang iskor sa 2-0 sa ika-7- minuto. Unang umiskor si Yerry Mina at kinumpleto ni Juan Cuadrado ang dominasyon sa ika-75 minuto.
ENGLAND 6. PANAMA 1
Sa Nizhny Novgorod, pinangunahan ni Harry Kane ang ratsada ng England sa itinuturing most one-sided World Cup victory, 6-1, kontra Panama para makasiguro ng slots sa Final 16.
Umiskor si John Stones ng dalawang goals at nag-ambag si Jesse Lingard ng isa para lagpasan ang dating marka ng England na 4-2 panalo labam sa Germany noong 1966 finals.
Dalaang goal ni Kane ay sa penalty, habang ang isa ay isang pahirapang tira para manguna sa mga scorers na may kabuuang limang goals sa kasalukuyan.