Hindi lamang mga bata dapat ituro ang Good Manners and Right Conduct (GMRC), kundi pati na rin sa matatanda at mga lider ng bansa.
Ito ang binigyang-diin kahapon ni Sister Mary John Mananzan, dating pangulo ng St. Scholastica’s College at co-chairman ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP), kaugnay ng plano ng Department of Education (DepEd) sa pagbibigay ng GMRC sa mga mag-aaral.
Hindi, aniya, magiging madali ang pagtuturo ng mabuting asal sa mga kabataan kung mananatiling mali ang kanilang nakikita mula sa mas nakatatanda, partikular na sa pinakamatataas na opisyal ng pamahalaan.
Paliwanag pa ng madre, mapagmasid ang mga kabataan at kung ano ang kanilang nakikita at naririnig sa matatanda ay kanilang ginagaya.
“Napakahirap na magturo ngayon ng ganun courtesy, good manners kasi nga yung example na binibigay nung mga ‘highest government officials’ natin ay nakikita ng mga bata. Napaka-observant kasi ng mga bata so, nakikita nila how the adult talk and how they behave syempre parang nakukuha nila even unconsciously,” pahayag ni Mananzan sa isang panayam sa Radio Veritas.
Dahil dito, umaasa ang madre na ang lahat ng mga opisyal na namumuno sa bansa ay iiwas na sa pagmumura at sa paggamit ng mga nakaiinsultong salita sa kababaihan.
-Mary Ann Santiago