Sinuspinde ng pamahalaang lokal ng San Juan City ang klase mula sa preschool hanggang senior high school sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod ngayong araw, Lunes.
Nag-abiso ang alkalde, sa pamamagitan ng Twitter account ng San Juan City government, kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng lungsod nitong Linggo.
Ayon sa pamahalaan ng San Juan City, ang suspensiyon ng klase ay pagbibigay konsiderasyon sa mga estudyante at kanilang mga propesor na ilang linggo ring naghanda at nag-practice para sa mga natatanging performance na ipinamalas nila sa Wattah! Wattah Festival! activities sa San Juan Elementary School, kahapon.
Ang naturang festival, na mas kilala sa tawag na ‘Basaan Festival’, ay taunang isinasagawa sa lungsod bilang bahagi ng pagdiriwang sa kapistahan ni San Juan Bautista tuwing Hunyo 24.
“Mayor Guia Gomez suspends classes in all public schools of San Juan City from Elementary to Senior High School on Monday (June 25, 2018) as a form of consideration towards the hardwork shown by students and teachers as participants in the Wattah Festival activities,” bahagi ng anunsiyo.
-Mary Ann Santiago