KAHIT na nasa edad 76, active na active pa rin ang binansagang Queen of Philippine Movies in the 60s na si Ms. Susan Roces.
Si Manang Inday, palayaw sa respetadong aktres, ay regular na napapanood sa Kapamilya primetime na FPJ’s Ang Probinsyano, with Coco Martin and a dozen casts of supporting actors.
Sa nakaraang renewal of her contract bilang endorser ng RiteMED last June 21, hindi ipinagdamot ni Manang Inday ang kanyang beauty secret.
Kapansin-pansin na napapanatili ng biyuda ng yumaong King of Philippine Movies, si Fernando Poe Jr., ang angking ganda na hinangaan ng kanyang mga tagahanga simula noong dekada ‘60.
Sa ngayon, naniniwala pa rin siya in aging gracefully.
“It’s accepted, lahat ng tao, tumatanda. Pero siguro salamat na lang sa Panginoon. At kung anong wrinkles meron ako ay happy wrinkles,” paliwanag ni Manang Inday. “Hindi beauty product ang RiteMED, pero dahil siguro maingat ako sa kalusugan ko.”
“I’m being very careful like all of you, magkababata naman tayong lahat dito, eh, karamihan sa atin. Nagsisimula pa lang kasi ako, kayo na ang nandiyan, halos sabay-sabay tayo,” aniya, na sinundan ng halakhakan ng mga dumalo sa renewal of contract niya.
Sey pa ni Miss Susan, importante ang sakto sa tulog at needed rest.
“Bilang artista, siyempre ang aming working hours ay hindi regular. So, salamat na lang sa aking manager, kay Dolor [Guevarra], kay Shirley [Kuan], na iniingatan din nila na kung anuman ang sasagutin kong mga kontrata sa ginagawa kong acting pieces, whether it’s a telenovela or a one-time guest appearance in Maalaala Mo Kaya series o whatever, na hindi lumalampas ng 12:00 midnight [ang shooting or taping],” aniya pa. “Nagpapaka-Cinderella!”Ipinagpatuloy ng beteranang aktres ang pagpapayong pangkalusugan:
“Maingat tayo na kung hindi naman kailangang magpuyat, importante rin ang pahinga.” Lastly, sinabi niyang she takes good care of herself by watching her food intake.
“Importante na alam natin kung paano natin aalagaan ang mga bagay na may kinalaman sa kalusugan natin. Like our diet, I don’t go for fad diets. I just taste. At my present age, I taste everything. I do not indulge.”
Sinabi rin ng well-respected actress na tinanong niya ang kanyang doktor tungkol sa tamang pagpapakain sa bata, kasi she wanted to know how she could teach proper diet to children, most likely her three grandchildren with Senator Grace Poe.
“Kasi para bang ‘pag natikman na nila ‘yung ganung klaseng pagkain, hinahanap-hanap na nila hanggang sa pagtanda nila, only to realize na nagkaka-diabetic. Lalo na Filipino meals dahil maraming carbo.
“Sabi ng doktor, ‘Lahat ng masarap, tanggalin mo’,” ani Miss Susan, at ipinaliwanag ang kanyang “bawal ang masarap diet”.
“Puwede kang kumain ng kahit gaano karaming seafoods pero alisin mo ang aligue ng alimango. Huwag mong kakainin ‘yung ulo ng hipon. Huwag kong kakainin ang taba ng tiyan ng bangus. Ang litson, hindi na tayo natuto [sa] lechon,” sabi pa ng beteranang aktres.
-ADOR V. SALUTA