Pinaalalahanan kahapon ng isang obispo ng Simbahang Katoliko ang mga pari na hindi sila maaaring magbitbit ng baril kung walang pahintulot ng kanilang mga obispo.

Ito ang paalala ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Vice President at Caloocan City Bishop Pablo Virgilio David kasunod ng ulat ng Philippine National Police (PNP) na may 188 pari at 58 ministro at pastor ang nag-apply sa pulisya ng permit to carry firearms outside residence (PTCFOR), simula pa Hunyo 2017.

Gayunman, sinabi ni David, na ang mga local ordinaries pa rin ang may “last word” kung papayagan nilang magbitbit ng baril ang kanilang mga pari.

Giit ni David, maging ang mga pari nga na nagsisilbing military ordinariate ay kinakailangan pang humingi ng pahintulot sa obispo bago makapagbitbit ng armas.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

“Let’s see if there’s a single bishop who would allow them to do so,” ani David, na muling nanindigan na hindi dapat na mag-armas ang mga pari.

Matatandaang ilang miyembro ng CBCP ang tumanggi na sa ideyang mag-armas ang mga pari kahit pa ang layunin nito ay para protektahan ang kanilang sarili.

Tutol din dito maging ang Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC), dahil taliwas umano ito sa paniniwala nila na ang kailangan sa lipunan ay kapayapaan at hindi karahasan.

“That would only attract violence as violence attracts violence,” paliwanag ni Bishop Noel Pantoja, national director ng PCEC. “Carrying guns won’t be necessary as it is the Lord who will protect us.”Matatandaang naging mainit ang usapin sa pag-aarmas ng mga pari makaraang sunud-sunod na paslangin ang tatlong pari sa bansa simula noong Disyembre 2017.

-Mary Ann Santiago