Pinaniniwalaang nalansag na ng awtoridad ang isang online drug syndicate na kumikilos sa Quezon City at karatig-lugar nito nang damputin ang dalawang lalaking miyembro umano nito matapos mahulihan ng P300,000 halaga ng ipinagbabawal na gamot sa buy-bust operation sa Pasig City, kahapon.
Sa report ni Police Supt. Giovani Hycepnth Caliao, hepe ng Cubao Police Station, kinilala ang mga suspek na sina Jason Delfin Fronda, 24; at Julius Ilagan, 32, kapwa taga-C. Victorino Street, Villa Alfonso, Pinagbuhatan, Barangay Bambang, Pasig City.
Sinalakay ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang hideout ng mga suspek sa mismong bahay ng mga ito sa Pasig City, bandang 2:00 ng hapon.
Nasamsam sa mga suspek ang P300,000 na halaga ng pilnatuyong dahon ng marijuana at drug paraphernalia.
Ayon sa pulisya, hindi lamang sa Quezon City kumikilos ang mga suspek kundi pati na rin sa Pasig City.
Nakapiit ngayon sina Fronda at Ilagan sa Cubao police station habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila.
-Jun Fabon