Timbuwang ang isang hinihinalang drug pusher habang arestado ang limang iba pa sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Quiapo at Tondo, Maynila, nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ni Manila police chief, Chief Supt. Rolando Anduyan ang napatay na si Rubin Barco, alyas Kulot, tinatayang nasa edad 35-40.

Inaresto naman sina Mary Grace Raymundo, alyas Baby, 30, ng 2119 Molave Street, Tondo; Felipe Hechanoba, 43, ng 25 Karapatan St., Sta. Cruz; Christopher Sanding, 38, ng 753 Int., 89 Raxabago St., Tondo; Jojo Feliciano, 42, ng 840 Raxabago St., Tondo; at Carlito Mendoza, 33, ng 1037 Yakal St., Tondo.

Sa imbestigasyon ng Manila police-Station 3, napatay si Kulot sa Quezon Bridge, Carlos Palanca St., Quiapo, bandang 4:40 ng hapon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nasamsam kay Kulot ang isang cal .38 pistol na kargado ng tatlong bala; pitong pakete ng umano’y shabu; drug paraphernalia at marked money.

Naaresto naman ng mga tauhan ng SDET ng MPD-Station 7 ang limang suspek sa isa ring anti-illegal drugs campaign sa Rail Road Track corner Batangas St., Tondo. Nasamsam sa mga ito ang pitong pakete ng umano’y shabu.

Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

-Mary Ann Santiago