KILALA ang Hunyo 24 sa kalendaryo ng Simbahang Katoliko. Kapistahan ito ni San Juan Bautista, ang naghanda ng daan sa pagdating ni Hesukristo. Pista ito ng maraming lungsod at bayan kung saan patron si San Juan.
Kasama rito ang Maynila, San Juan City sa Metro Manila, Kalibo sa Aklan, at Bibiclat, Aliaga, Nueva Ecija. Tampok sa San Juan ang sabuyan ng tubig; kilala sa mundo ang Ati-atihan Festival ng Kalibo; at naglalabasan ang mga Taong Putik sa Aliaga sa araw na ito.
Mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ang naganap sa petsang ito. Noong 1497, inangkin ni John Cabot ang silangang Canada para sa England, sa paniwalang natagpuan na niya ang Asia sa Nova Scotia. Noong 1509 naman, kinoronahan si Henry VIII bilang hari ng England.
Noong Hunyo 24, 1521, iprinoklama ni Miguel Lopez de Legazpi ang Maynila bilang kapital ng administrasyong kolonyal ng España sa Pilipinas, at si San Juan Baustita bilang patron nito. Sa gayon ding petsa noong 1793, ipinatupad ng France ang unang konstitusyong republikano nito.
Noong Hunyo 24, 1812, sinakop ni Napoleon Bonaparte ang Russia. Noong 1853, nilagdaan naman ni American President Franklin Pierce ang Gadsden Purchase o pagbili sa halagang $10 milyon ang 76,800 square kilometers na lupain ng Mexico, na saklaw ngayon ng katimugang Arizona at New Mexico.
Isinilang noong Hunyo 24, 1859 si Marcela Mariño de Agoncillo na nagtahi ng unang bandila ng Pilipinas. Sa petsa ring iyon noong 1898, inilabas ni Apolinario Mabini ang kanyang ‘El Verdadero Decalogo’; pinasinayaan ni Pablo Picasso, ang tanyag na Kastilang pintor, ang kanyang unang exhibition sa Paris sa edad na 19 noong 1900; at ipinihayag ng Amerika ang unang radar detection nito sa mga eroplano noong 1930.
Katumbas ng John sa Latin ang Juan, na nangangahulugang “Mapagpala ang Diyos.” Sa Pilipinas, sinasagisag ni Juan dela Cruz ang bawat karaniwang Pilipino. Katapat nito ang Uncle Sam para sa mga Americano, na pinasimulan ni Robert McCulloch-Dick, ang unang publisher-editor ng Philippines Free Press.
Maraming prominenteng Juan na Pilipino, gaya nina bayaning-pintor na si Juan Luna, dating Health Secretary at Senador Juan Flavier, Senador Juan Liwag, peryodistang si Juan Sumulong, at mga arkitektong sina Juan Nakpil at Juan Arellano, at Senador Juan Miguel Zubiri.
Huwag din nating kalimutan si Don Juan Casanova, ang maalamat na Kastilang karakter na kaakit-akit sa mga babae at kilalang babaero.
Ako naman ay 83 taong gulang na sa makalawa, tawagin na lamang ninyo akong Juan